QUEZON CITY — Sa patuloy na diwa ng malasakit at bayanihan, pinangunahan ni Cong. Brian Poe ng FPJ Panday Bayanihan Party-List ang pamamahagi ng New Year food packs para sa mga kawani ng Legislative Security Bureau (LSB) sa House of Representatives.
Kabuuang 178 na LSB personnel ang nabigyan ng tulong-handog bilang pasasalamat sa kanilang walang sawang paglilingkod sa seguridad at kaayusan ng Kamara.
Isinagawa ang pamamahagi sa dalawang batch upang masigurong maayos at organisado ang distribusyon: 68 benepisyaryo noong Disyembre 2025 at 110 benepisyaryo ngayong Enero 2026.
Ayon kay Cong. Brian Poe, mahalagang kilalanin ang mga “tahimik na bayani” sa likod ng operasyon ng Kongreso.
Aniya, ang mga kawani ng Legislative Security Bureau ang unang sumasalubong at huling umaalis upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat empleyado at bisita ng institusyon.
Dagdag pa niya, ang simpleng handog na food packs ay simbolo ng pasasalamat at pakikiisa ng FPJ Panday Bayanihan Party-List sa kanilang dedikasyon, lalo na ngayong pagsalubong sa bagong taon. Layunin din ng programa na makatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng mga pamilya ng mga kawani at maipadama na hindi sila nakakalimutan.
Bahagi ang aktibidad na ito nang mas malawak na mga inisyatiba ng tanggapan ni Cong. Brian Poe na nakatuon sa kapakanan ng mga manggagawa sa pamahalaan at komunidad, alinsunod sa adbokasiyang Food, Progress, at Justice.
Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ang kongresista ng pagbati ng isang manigo, ligtas, at masaganang Bagong Taon sa lahat ng kawani ng Kamara, at tiniyak na magpapatuloy ang kanilang mga proyektong may malasakit sa bawat Filipino. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com