ni ALMAR DANGUILAN
TILA BUONG-BUONG nilamon ng apoyang sangay ng Landers Superstore sa kanto ng Belfast Avenue at Quirino Highway sa Barangay Pasong Putik, Quezon City nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Samantala, nasa ‘hot water’ ang limang fire volunteers na nakita sa video na post ng isang Johnny Gaw Yu sa Facebook na kumukuha ng mga bote ng alak sa nasusunog na establisimiyento.
Ayon kay Supt. Anthony Arroyo, spokesman ng BFP, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon upang matukoy ang mga pangalan at grupo ng limang fire volunteers na nagsamantala.
Sa ulat ng Quezon City Fire Department, dakong 4:44 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa nasabing membership-only superstore at umabot sa ika-limang alarma.
Tinatayang 80 porsiyento ng estruktura ang natupok, kabilang ang mga pader nito na gumuho dahil sa matinding init ng apoy.
Naapula ang apoy dakong 10:48 ng umaga, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) na sinabing umabot sa 30 firetrucks ang nagresponde sa lugar.
Nagdulot ng matinding sagabal sa trapiko ang sunog sa lugar kaya ikinalat ang mga traffic enforcer para alalayan ang mga motorista sa mga alternatibong ruta.
Walang iniulat na nasugatan o nasawi sa sunog na patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi.
Samantala, 17 pamilya ang nawalan ng tirahan nang masunog ang isang residential area sa Barangay Culiat sa Quezon City nitong Miyerkoles rin ng madaling araw.
Nasa 10 bahay sa kahabaan ng Bayanihan St., ang natupok sa sunog na nagsimula dakong 2:00 ng madaling araw.
Naapula ng mga bombero ang apoy dakong 3:20 ng madaling araw.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com