PATULOY na sinusubaybayan ng mga manonood ang Roja, na umeere sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at online na nakamit ang panibagong online viewership record, kasabay ng pagbubukas nito ng bagong yugto kasama ang mga bagong karakter.
Nagtala ang Roja, Martes ng gabi (Enero 27) ng all-time high record na 620,186 peak concurrent online viewers o sabay-sabay na nanonood sa Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube, ang most-subscribed na YouTube media at entertainment channel sa Southeast Asia.
Pasabog ang dala ng “bagong yugto” trailer na inilabas ng ABS-CBN kamakailan na tampok ang mga buwis-buhay na pagsubok na kailangan lampasan nina Liam (Donny Pangilinan) at Olsen (Kyle Echarri), lalo pa at nadagdagan ng alyansa ang mga hostage-taker at ngayon bihag ang kanilang mga biktima sa isang ospital.
Mas lalo pang iigting ang tensyon sa nagaganap na krisis sa pagpasok ng mga bagong karakter na ginagampanan nina Christian Vasquez, Iana Bernardez, Jeremiah Lisbo, Joel Molina, Mac Manicad, Miggy Campbell, at Paolo Serrano.
Kasing tindi rin ng sagupaan ang malupit na rebelasyon ni Greta (Lorna Tolentino) dahil malaki ang suspetsa niya na magkapatid sina Liam at Olsen. Pinanghahawakan kasi ni Greta ang hinalang ito matapos matuklasan ang pagiging kabit ng BFF niyang si Wendy (Janice De Belen) sa asawa niyang si Magnus (Raymond Bagatsing).
Dapat abangan sa mga susunod na episode kung paano muling malalagay sa peligro ang inaakala na ligtas at payapang buhay nina Liam, Olsen, at Luna (Maymay Entrata) dahil sa kalbaryo na dala ng mga hostage-taker at pagsindak ng mga ito sa awtoridad sa paglusob nila sa ospital na kasalukuyang nanatili ang mga biktima ng La Playa Roja.
Aabot na rin sa sukdulan ang paghihiganti ng lider ng mga hostage-taker na si Emil (Joel Torre) dahil gagawin nito ang lahat para maibalik ang nawawalang milyones na nakuha nila mula sa kanilang mga hostage.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com