ni GERRY BALDO
INUMPISAHAN na ng Kamara de Representantes ang pagtalakay sa panukalang pagbuwag sa mga political dynasty sa bansa.
Ang deliberasyon, sa Committee on Electoral Reforms, ay dinaluhan ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III Martes ng umaga.
Ayon kay Dy, awtor ng isa sa 20 panukalang patungkol dito, napapanahon nang ipatupad ang anti-political dynasty na nakasaad sa 1987 Constitution.
Sa kanyang opening remarks sinabi ni Dy na ang Anti-Political Dynasty Bill ay matagal nang hinihintay ng taong-bayan mula nang iratipika ang Saligang Batas halos apat na dekada na ang nakalipas.
“Ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill ay matagal nang hinihintay ng sambayanang Filipino. It has been close to 40 years since our Constitution was ratified with a provision intended to ‘guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties.’ Ngunit kulang po ito ng isang enabling law—at ito po ang nais nating ipasa sa 20th Congress,” ani Dy.
Ayon sa Speaker na taga-Isabela, ang Kamara sa ilalim ng kanyang pamumuno ay seryoso sa pagtalakay sa isyu.
“Ang anti-political dynasty bill ay usaping matagal nang tinatalakay, ngunit ngayon ay malinaw ang aming hangarin na seryosong talakayin ng Kapulungan nang buo, tapat, at may malasakit sa bayan at sa kinabukasan ng bansa,” ayon kay Dy.
“Panahon na upang pag-usapan nang husto para makapagpasa tayo ng isang panukala na katanggap-tanggap sa ating mga kababayan at sa ating mga kapwa lingkod-bayan.”
Pinangunahan ni Dy ang pagtakay sa anti-political dynasty at simula pa lamang sa mas malawak na mga repormang layuning palakasin ang demokrasya sa bansa.
Aniya kailangang “palawakin ang patas na pagkakataon sa paglilingkod-bayan, at ibalik ang tiwala ng taong-bayan sa ating mga institusyon.”
Anang Speaker, ang panukala ay kasama sa mga prayoridad ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pinakahiling pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“The President himself recognizes that it is time to pass this measure. Sa huling LEDAC, isinama po niya ang anti-political dynasty act sa mga priority measures,” aniya.
Ang isa sa mga tinalakay ng komite ay ang House Bill No. 6771 na inihain ni Dy kasama si Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
“Kaya po tayo nagsasagawa ng mga pagdinig na tulad nito upang marinig ang lahat ng panig, ang iba’t ibang pananaw, at ang buong saklaw ng magiging implikasyon ng panukalang batas,” ani Dy. (GERRY BALDO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com