ISINUKO ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang limang baril sa mga awtoridad matapos bawiin ng Firearms and Explosives Office (FEO) ng Philippine National Police (PNP) ang mga lisensiya ng mga ito.
Sa liham na may petsang Enero 20, 2026 na ipinadala kay PBGEN Jose DJ Manalad Jr., pansamantalang hepe ng FEO, sinabi ng abogado ni Ang na si Gabriel Villareal na isinuko ang mga baril sa Mandaluyong Police Station.
“In faithful compliance with the foregoing directives, and without prejudice to remedies available to him under the law, our client has peacefully surrendered the following firearms through his duly authorized representative at the Mandaluyong Police Station, the nearest police station to his residence,” pahayag ni Villareal.
(“Bilang tapat na pagsunod sa mga nabanggit na kautusan, at nang hindi isinasantabi ang mga karapatang maaari niyang gamitin sa ilalim ng batas, mapayapang isinuko ng aming kliyente ang mga sumusunod na baril sa pamamagitan ng kanyang awtorisadong kinatawan sa Mandaluyong Police Station, ang pinakamalapit na istasyon ng pulisya sa kanyang tirahan,” ayon kay Villareal.)
Ang mga baril na isinuko noong Martes ay ang sumusunod: Colt rifle na kalibreng 5.56; Glock 9 mm; Sig Sauer 9 mm; Smith & Wesson na kalibreng .38; at Battle Arms Development (BAD) na 9 mm pistol.
Hindi naman isinama sa mga isinukong baril ang isa pang lisensiyadong armas ni Ang na BAD rifle na kalibreng .260, dahil Nawala umano ito noong Oktubre 2025.
“Kalakip namin ang sinumpaang salaysay ng pagkawala na nilagdaan ni Ang noong Oktubre 2025 na nagpapatunay sa mga pangyayari kaugnay ng pagkawala ng nasabing baril, pati na rin ang blotter report mula sa Mandaluyong Police Station,” paliwanag pa ni Villareal.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com