MASpinalakas pa ng TV5 ang primetime viewing experience ng Kapatid viewers sa paglulunsad ng mas bigatin at mas exciting na TodoMax Primetime Singko — siguradong must-watch gabi-gabi.
Magsisimula ang weeknights sa 5:30 p.m. sa Una sa Lahat, ang early evening newscast ng TV5 na nagbibigay ng timely at relevant updates habang papasok ang mga Filipino sa primetime viewing.
Susundan ito ng Frontline Pilipinas, 6:15 p.m., na patuloy na naghahatid ng credible at in-depth reporting sa pinakamahahalagang balita ng araw.
Pagpatak ng 8:00 p.m., todo sa aksiyon naman ang hatid ng Totoy Bato, ang tentpole series ng TV5 na pinangungunahan ni Kiko Estrada sa iconic role na hango sa komiks ni Carlo J. Caparas at sa pelikula ni Fernando Poe Jr.
Sinusundan dito ang kuwento ni Totoy habang ipinagtatanggol niya ang Pook Paraiso laban sa makapangyarihang pamilya at malulupit na puwersa. Mas lalong naging kapana-panabik ang serye sa pagpasok nina Claudine Barretto, Janno Gibbs, Eula Valdez, Diego Loyzaga, at Cindy Miranda.
Nagbabalik naman sa 8:45 p.m. sa primetime telecast ang Nag-aapoy na Damdamin, ang drama-romantic thriller na pinagbibidahan nina JC de Vera, Jane Oineza, Tony Labrusca, at Ria Atayde. Ang ABS-CBN–TV5 co-production na ito ay kilala sa kuwento ng pag-ibig, pagtataksil, at panlilinlang.
Ngayong mapapanood na ito sa mas malakas na primetime slot, pagkakataon na ito para sa mga manonood na hindi ito nasubaybayan noon — at para muling masilayan ng mga minahal ang dramang hinangaan sa lalim ng mga karakter, tapang ng kuwento, at punompuno ng emosyon na acting performances.
Tatapos sa gabi sa 9:30 p.m. ang Pira-pirasong Paraiso, isa pang co-production na romantic drama na pinagbibidahan nina Loisa Andalio, Charlie Dizon, Alexa Ilacad, at Elisse Joson. Gaganap si Loisa bilang Baby Girl, isang con artist na papasok sa mapanganib na misyon ng pagpapanggap bilang isa sa matagal nang nawawalang kapatid ng isang bata at mayamang babae.
Kaharap ang isang mundong puno ng panlilinlang at intriga, lalaban ang karakter ni Loisa sa hamon ng pag-ibig at pamilya, at sa mga katotohanang magbabago ng kanyang pagkatao.
Sa mas pinaigting na lineup na ito, muling pinagtitibay ng TV5 ang pangako nitong maghatid ng TodoMax entertainment—isang kombinasyon ng impormasyon, aksyon, at emosyonal na mga kuwento– pinagsasama ang mga pamilyar na kuwento sa isang bigating primetime block para sa Kapatid viewers. Todo-todo tayo, Kapatid, mula news hanggang primetime drama. Abangan ang mas matinding TodoMax Primetime Singko gabi-gabi sa TV5.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com