HINDI maiwasang magbalik-tanaw ni Senador Bam Aquino sa kanyang karanasan bilang host kasunod ng pag-anunsiyo ng pagbabalik ng youth-oriented, semi-debate show na Y Speak sa telebisyon.
“Happy that #YSpeak is coming back! Time for the next generation to make their voices heard,” ani Sen. Bam sa isang post sa social media.
Isa si Bam sa mga naging host ng Y Speak, na umere noong kalagitnaan ng 2000 at nagsilbing plataporma para sa mga kabataan para ibahagi ang kanilang pananaw sa mahahalagang isyu.
“Para sa mga Gen Z (at sa mga medyo nakalimot na): Ang ‘Y Speak’ ay isang youth-oriented show na may semi-debate format na umere noong mid-2000 at naging iconic para sa henerasyon ng mga kabataan noon,” wika ng Senador.
“At sa mga nakasama ko noon sa ‘Y Speak,’ hello Bianca Gonzalez at sa buong barkada. Mukhang tumatanda na talaga tayo. Sana hindi pa sumasakit ang mga likod n’yo,” dagdag pa niya, na sinagot naman ni Bianca ng “Yessss.”
Sa isang hiwalay na post sa social media, inanunsiyo ni Fr. Tito Caluag na sasamahan ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition Season 1 housemates na sina Ralph de Leon at River Joseph ang mga aktor na sina Elijah Canlas at KD Estrada bilang mga bagong host ng nagbabalik na debate show na Y Speak.
“‘Y Speak’ will be a civics education and formation program focusing primarily on the youth as its main audience. It will air across different platforms and two networks,” sabi ni Fr. Caluag, na magsisilbing executive director ng programa.
Bago pumasok sa politika, kilala si Bam bilang youth leader. Nagsilbi siyang pangulo ng University Student Council ng Ateneo de Manila University bago naging chairperson ng National Youth Commission (NYC) mula 2003 hanggang 2006.
Sa kanyang unang termino bilang senador, pinamunuan niya ang Committee on Education at Youth, na isinulong niya ang mga polisiya at programang nakatuon sa kapakanan ng kabataan. Itinulak din niya ang pagpasa ng Libreng Kolehiyo bilang principal sponsor nito sa Senado.
Sa kanyang pagbabalik sa Senado, nagtrabaho si Sen. Bam—na ngayon ay chairperson ng Senate Committee on Basic Education—para matiyak ang pagtaas ng budget ng edukasyon sa ₱1.34 trilyon, na siyang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com