Denisdepensahan ni Albay 3rd District Rep. Raymond Adrian Salceda ang Department of Agriculture (DA) sa mga kritisismong kaugnay sa pinalaking panukalang ‘Farm-to-Market Road (F-M-R) budget’ sa susunod na taon at pinabulaanan niyang sobrang-sobra ito.
Naunang ipinanukala ng DA ang P16-bilyong badyet sa 2026 F-M-R na ginawa namang P33 bilyon ng Kamara para lalong matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka na mailapit ang kanilang mga ani sa mercado, at pabilisin ang progreso ng agrikultura at mga kanayunan sa bansa.
Sa isang pahayag nitong nakaraang linggo, madiing sinuportahan ni Rep. Salceda na siyang ‘chairman’ ng ‘House Special Committee on Food Security,’ si DA Secretary Francisco “Kiko” Tiu-Laurel, at sinabi niyang kulang pa nga ang naturang halaga para sapat na matugunan ang pangangailangan ng bansa.
“Mula ako sa isa sa pinaka-‘rural’ na Distrito sa Bikol. Hanggang ngayon po, sa mga distritong katulad ng distrito ng inyong lingkod, karsada sa mga sakahan pa rin po ang isa sa pinakamalaking problema ng mga magbubukid,” sabi ni Salceda.
“Sa ngayon, mga 40 porsiyento pa rin ang kulang sa suportang ‘logistics’ para sa mga magsasaka. Bukod pa ito sa 30% dagdag gastos dahil sa kakulangang pasilidad sa paghakot ng kanilang mga ani nila sa merkado. Kung walang mga karsada patungong merkado, kawawa talaga ang mahirap na mga magbubukid,” pahabol niya.
Batay sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank, kailangan ng Pilipinas ang 140,000 kilometrong F-M-R para sapat na matugunan ang ‘rural logistics network’ nito. Sa naturang ulat mga 70,000 kilometers pa giumano ang kulang at kailangang idagdag. Kung P15 milyon ang gastos sa paggawa ng isang kilometrong F-M-R, tiyak na kulang nga ang pundong pinagtibay ng Bicameral Committee ng Kongreso sa 2026 badyet para dito, paliwanag ni Salceda.
Pinuna din ng mambabatas na pinagtutugma na kapwa ng DA at Department of Agrarian Reform (DAR) kanilang programang F-M-R sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, para mabisang matugunan nga ang ‘rural logistics network’ at mga suliraning sa paghakot ng ani ng mga magsasaka na isa sa “pinakamalaking sagabal” diumano sa pag-unlad ng agrikultura sa bansa.
Ayon kay Salceda, napasimulan na ng DA ang mga repormang kaugnay sa F-M-R sa ilalim ng pangangasiwa ni Secretary Tiu-Laurel, at sinusunod na ng ahensiya ang National F-M-R Network Plan nito, kaya mayron na itong tiyak na direksiyon. “Hindi na po pabara-bara o kung anu-ano na lang ang maisingit sa badyet,” diin ng mababatas.
Suportadong buo ng Bikolanong mambabatas ang mga reporma sa DA sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan nito kaya pinabubulaanan niyang sobra-sobra ang badyet na itinalaga sa naturang ahensiya. “Ito ang dahilan kung bakit denidepensahan ko sa mali-maling mga puna sa pinalaking F-M-R badyet ng DA. Kung tutuusin, kulang pa iyan sa pangangailangan ng bansa,’ dagdag niya.
Masigla namang tinanggap ni Secretary Tiu-Laurel ang desisyon ng Kongreso na palakihin sa P33 bilyon ang badyet para sa F-M-R ng DA na tinawag niyang “game-changing investment” o puhunang magbabago sa buhay ng mga magsasaka, sa suplay ng pagkain ng bansa, at pagpapasulong sa ekonomiya ng mga pamayanan.
Ipinahayag ni Tiu-Laurel na simula sa 2026, DA na ang buong mangangasiwa sa implementasyon ng programang F-M-R nito na hanggang ngayon ay hawak pa rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang paglipat nito sa DA mula sa DPWH ay mahalaga para sadyang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka, pawakas niyang pahayag.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com