MAAARING mag-Pasko na walang tubig ang mga residente ng Barangay Tumana sa Marikina City matapos putulin ng Manila Water ang kanilang suplay noong Huwebes dahil sa kabiguang magbayad ng mga kasalukuyan at nakaraang mga kapitan ng barangay sa mga natitirang bayarin.
Ang mga residente ng Tumana ay tumatanggap ng kanilang suplay ng tubig sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na pinirmahan sa pagitan ng barangay at ng Manila Water Company, Inc., na tinatawag na “Patubig sa Tumana.”
Sa ilalim nito, nagbabayad ang mga residente ng kanilang mga water bill sa barangay, at ang barangay naman ang magpapadala ng bayad sa utility provider.
Ngunit, hindi na-remit ni Barangay Captain Akiko Centeno ang mga bayad mula sa mga residente, kaya’t umabot na sa ₱37,192,199.98 ang balanse noong 2 Disyembre 2025.
Sa kabila ng paulit-ulit na mga hiling, hindi pa rin binayaran ng mga opisyal ng Barangay Tumana ang kanilang obligasyon, kaya’t pinutol ng Manila Water ang suplay ng tubig sa lahat ng labing-tatlong (13) karaniwang watering points sa ilalim ng kasunduan.
“This termination is without prejudice to any rights that may have accrued to Manila Water during the pendency of the MOA and its Supplement,” sabi ng kompanya.
Binigyan ng Manila Water ang Barangay Tumana ng labing-limang (15) araw mula sa pagtanggap ng paunawa upang bayaran ang natitirang halaga.
Hanggang sa ngayon, hindi pa nakikipagkasundo ang barangay sa Manila Water at wala pang natanggap na promissory note mula sa kanila.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com