PATAY ang isang lalaking nakikipag-inuman sa tabing kalsada matapos barilin sa ulo, nitong Miyerkoles ng umaga, 3 Disyembre, sa lungsod ng Pasay.
Nagawa pang madala sa Pasay City General Hospital ang biktimang kinilalang si alyas Arvin, residente sa Brgy. 184, Maricaban, sa naturang lungsod.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si alyas Markandre, 18 anyos, residente rin sa nabanggit na lugar.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay CPS, dakong 4:52 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente ng pamamaril sa Orchids St., sa naturang barangay.
Ayon sa dalawang kainuman ng biktima, bigla na lamang dumating ang suspek at lumapit sa likuran ng biktima saka niya binaril.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek dala ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Mabilis na kinilala ang suspek dahil sa kuha ng CCTV ng barangay.
Ayon sa mga residente, isa sa mga pasaway sa kanilang lugar ang biktima at nasangkot sa insidente ng nakawan noong Lunes.
Dagdag nila, walang sinisino si alyas Arvin sa bibiktmahin ng pagnanakaw sa kanilang lugar.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com