MULING iginiit ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang pagpasa ng kanyang panukalang batas na layong bigyan ng dagdag na pangil ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) para maimbestigahan at tuluyang maipakulong ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Tiangco, makatutulong ang kanyang House Bill No. 5699 para gawing mas mabilis at epektibo ang mga imbestigasyon ng ICI at ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Batay sa panukala, ang ICI ay gagawing Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) at bibigyan ng kapangyarihang magsampa ng kaso, mag-isyu ng mga subpoena, hold departure orders, at magsagawa ng mas malawakang imbestigasyon.
“Ito (ICI) ay tutulong sa Ombudsman at DOJ na mapabilis natin ang proseso because mayroon tayong responsibilidad sa mamamayang Filipino na makita kaagad na seryoso dito sa imbestigasyon, dahil ito ‘yung pinakamalaking corruption scandal sa history ng ating bansa,” ani Tiangco.
Kasabay nito, kinukuwestiyon naman ng publiko si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo sa pagkakaroon niya ng selective memory sa kanyang mga testimonya sa Senado.
Ang pabago-bagong testimonya ni Bernardo ang naging dahilan para i-reevaluate ng ICI ang pinaplano nilang mga kaso.
Tinawag pa ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi kapani-paniwala si Bernardo dahil panay hearsay o tsismis lamang ang kaniyang ilinipresintanf ebidensiya.
Matatandaan na ilang beses hindi sumipot si Bernardo sa mga pagdinig sa ICI dahil sa ‘medical reasons’ ngunit ganado at maayos naman kapag humaharap sa Senado.
Duda ng marami, mukhang ginagamit lang si Bernardo para manira ng iilan at hindi para sa katotohanan, kapalit ng paglagay sa kanya sa ilalim ng Witness Protection Program.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com