NANAWAGAN ang People’s Progressive Humanist Liberal Party (PolPHIL) kaugnay ng lumalawak na protesta ng mamamayan nang mabunyag ang mga proyektong ‘ghost’ sa flood control, kickback schemes, at mga nilutong bidding sa pamahalaan.
Binigyang-diin ng PolPHIL na makatarungan at makabuluhan ang ‘pag-aalsa’ ng publiko—patunay ng matinding paghahangad para sa isang gobyernong tapat, malinaw ang proseso, at tunay na naglilingkod sa taongbayan.
“Gumagana ang demokrasya—dahil kumikilos ang sambayanan,” pahayah ni Edicio dela Torre, PolPHIL Emeritus.
Ayon kay dela Torre, dating pari at bilanggong politikal, nananatiling matatag ang mga mekanismo ng demokrasya sa kabila ng krisis.
“Ang nasasaksihan natin ay demokrasya sa pagkilos. Ang mga imbestigasyon, malayang midya, whistleblowers, at ang mamamayan mismo ang nagtutulak ng pananagutan. Kailangang pangalagaan at hayaang gumana ang mga prosesong ito,” paglalahad ni dela Torre.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng karapatang magprotesta: “Ang mapayapang pagtitipon ay hindi banta—ito ang tibok at lakas ng demokrasya. Dapat itong igalang at pangalagaan ng pamahalaan sa lahat ng pagkakataon.”
“Ang tunay na liderato ay paninindigan sa reporma, hindi panunupil,” paalala naman ni Rudolfo “Kid” Cañeda, PolPHIL National Chairman.
Hinimok ni Cañeda ang mga halal na opisyal na harapin ang krisis nang may tapang, bukas na loob, at integridad:
“May karapatan ang publiko na maningil. At dapat tumugon ang ating mga lider hindi sa pamamagitan ng pagsupil sa tinig ng taong-bayan, kundi sa pagyakap sa malalalim at kinakailangang reporma,” aniya pa.
Panawagan para sa Malawak at Sistemikong Reporma
Ipinunto ng PolPHIL, ang paglantad ng mga kaso ng korupsiyon ay sintomas ng mga depektibong estruktura sa pamahalaan.
Kabilang sa mga agarang repormang dapat ipatupad:
1. Reporma sa Hudikatura
* Pabilisin ang resolusyon ng mga kasong may kinalaman sa korupsiyon
* Palakasin ang mga anti-corruption courts
* Siguruhin ang kalayaan at integridad ng hudikatura
2. Reporma sa Government Procurement
* Ganap na transparent at digital na sistema ng bidding
* Pagpataw ng mabigat na parusa laban sa sabwatan at pandaraya
3. Pananagutan sa Public Works
* “Open-book” accounting sa malalaking impraestrukturang proyekto
* Mas mahigpit na technical at financial audits
4. Reporma sa Edukasyon
* Pagsasama ng Good Governance at Civic Responsibility sa lahat ng antas
* Pagtuturo ng integridad, etika, at aktibong pagkamamamayan sa kabataan
Pangunahing Prayoridad: Anti-Dynasty Law
Binibigyang-diin ng PolPHIL na ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa mga dinastiya ay nagpapahina sa pananagutan at nagpapalalim sa korupsiyon:
“Mahalagang maipasa ang Anti-Dynasty Law. Hangga’t hindi nababasag ang lumang estruktura ng kapangyarihan, mananatiling marupok ang demokrasya at lalaganap ang katiwalian.”
Pagpapalakas sa Mamamayan at mga Organisasyon
Dagdag pa ng PolPHIL, ang pinakamabisang panangga laban sa korupsiyon ay isang mulat, organisado, at aktibong mamamayan.
“Mahalaga ang papel ng independiyenteng midya, watchdog groups, people’s organizations, at mga komunidad. Sa patuloy na pagbabantay ng mamamayan ay lumalakas ang demokrasya at nagkakaroon ng tunay na pagbabago.”
Nanindigan ang PolPHIL sa ibayong pakikiisa nito sa panawagan ng sambayanang Filipino para sa hustisya at makabuluhang reporma.
“Ang krisis na ito ay isang sangandaan. Kung tayo’y magtutulungan — mamamayan, tagapagtaguyod, at mga institusyon—maaaring maging daan ang galit at pagkadesmaya tungo sa pangmatagalang pagbabago. Matatag ang ating demokrasya dahil matatag ang sambayanang Filipino, saad ng PolPHIL.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com