ANG mga medalya na iginagawad sa mga nagwawagi sa mga pandaigdigang paligsahan sa palakasan ay karaniwang natatangi at may kahanga-hangang disenyo. Hindi magiging kaiba rito ang mga medalya na inihanda para sa 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships.
Ang maririkit na medalya na may hugis kabibe, na igagawad sa mga makakamit ng gintong, pilak, at tansong parangal sa prestihiyosong patimpalak na gaganapin mula Nobyembre 20 hanggang 24 sa Manila Marriott Hotel Grand Ballroom sa loob ng Newport World Resorts sa Lungsod ng Pasay, ay magiging mga alaala ng karangalan para sa mga magwawagi, ayon kay Gymnastics Association of the Philippines (GAP) President Cynthia Carrion.
“Pinahahalagahan namin ang pagsisikap at dedikasyon ng ating mga kabataang atleta sa kanilang mithiin na magbigay dangal sa ating bandila at bansa. Kaya’t nilikha namin ang mga medalya na ito bilang pagpupugay sa kanilang mga natatanging tagumpay sa pandaigdigang entablado,” pahayag ni Carrion.
“Higit sa lahat, sa tuwing mamasdan nila ang kanilang mga medalya, mararamdaman nila na karapat-dapat ang kanilang mga tagumpay sa lahat ng hirap at pagsubok na kanilang dinaanan upang makamit ang mga ito,” dagdag pa niya.
May pagkakahawig sa disenyo ng opisyal na logo ng kumpetisyon, tampok sa makinang na mga medalya ang FIG emblem bilang “perlas” sa gitna, na napalilibutan ng insignyang “3rd.” Sa itaas naman ay makikita ang mga silweta ng isang lalaking gymnast sa rings at isang babaeng gymnast na gumagawa ng balanse sa beam.
Nakaukit din sa medalya ang lokasyon — Pasay City — at ang mga petsa ng kumpetisyon, na suportado ng Office of the President, Philippine Sports Commission, at Department of Tourism.
Ibinahagi rin ni Carrion na bukod sa mga medalya, bawat medalist sa men’s at women’s division ay tatanggap ng plushie ng opisyal na mascot — Bughaw para sa mga kalalakihan at Lila naman para sa mga kababaihan — sa paligsahang katuwang din ng Smart/PLDT at Cignal TV bilang opisyal na broadcast partner.
“Ang mga kaibig-ibig na mascot na ito ay bahagi ng aming natatanging pagkilala sa kabayanihan ng mga batang atleta, na siya namang magiging susunod na henerasyon ng mga bituin sa larangan ng world gymnastics,” wika pa ni Carrion.
Kabilang sa mga inaasahang magtatampok sa patimpalak, na sinusuportahan din ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, Milo, at Pocari Sweat, ay si Karl Eldrew Yulo, nakababatang kapatid ng Paris Olympian na si Carlos Edriel Yulo.
Ayon kay Carrion, kasalukuyang nagsasanay nang masinsinan si Karl sa Tokyo, Japan, at labis na nasasabik na magpakitang-gilas sa harap ng mga kababayang tagasuporta sa naturang paligsahan. Katuwang ng Philippine Airlines bilang opisyal na carrier at St. Luke’s Medical Center bilang opisyal na medical partner, layunin ng GAP na gawing matagumpay at maayos ang pagdaraos ng pandaigdigang kaganapan.
Walang iba kundi si Munehiro Kugimiya, ang kilalang Japanese coach na nagpatatag sa karera ni Carlos Yulo tungo sa pagiging world at Olympic champion, ang naghahanda kay Karl Eldrew upang makamit din ang tagumpay sa pandaigdigang entablado.
Kabilang sa mga opisyal na hotel partners ng torneo ang Manila Marriott Hotel, Sheraton Manila, Hilton Manila, Belmont Manila, Hotel Okura, Savoy Hotel, at Hilton Express. (GAP / HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com