IPINAKITA ng National University (NU) ang tunay na puso ng isang kampeon matapos masungkit ang pahirapang limang sets, 15-25, 25-23, 25-17, 13-25, 15-12 na panalo kontra sa palaban na University of Santo Tomas (UST) sa Game 1 ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup best-of-three Finals nitong Sabado Nob. 8, ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.
Bagaman nabigo sa ikaapat na set, ipinamalas ng Lady Bulldogs ang matatag na kumpiyansa sa ilalim ng matinding presyon nang magpakawala sila ng 5-0 run upang tuluyang maagaw ang tagumpay mula sa Golden Tigresses sa kanilang muling pagtatagpo para sa kampeonato.
Bumida ang rookie na si Sam Cantada, matapos magtala ng 18 puntos — 16 mula sa mga atake at dalawa mula sa service aces — upang pangunahan ang NU sa ikasiyam na sunod nitong panalo at manatiling walang talo sa torneo.
Naging agresibo naman sa net si Chams Maaya, na nagtala ng walong blocks sa kabuuang 13 ng Lady Bulldogs. Ang kanyang huling block laban kay Angge Poyos ang nagselyo ng panalo na tumagal ng dalawang oras at tatlumpu’t siyam na minuto.
Nagtala si Maaya na may 14 na puntos, habang nag-ambag naman sina Kaye Bombita at Vange Alinsug ng tig-11 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa NU. Maaari nang makuha ng Lady Bulldogs ang kanilang ika-apat na sunod na korona sa Game 2 sa Nobyembre 15 sa parehong venue.
Matapos isuko ang unang set, bumawi ang NU sa ikalawa at ikatlong set, ngunit muling bumangon ang Tigresses sa ikaapat na set upang itulak ang laban sa huling yugto.
Umusad ng kaunting kalamangan ang UST, 12-10, sa dikdikang ikalimang set matapos ang atake ni Regina Jurado.
Ngunit agad itong sinagot ni Bombita sa pamamagitan ng isang off-the-block kill na nagsimula ng matinding pagsugod ng NU.
Nasundan ito ng rotational fault ng UST, isang matagumpay na atake mula kay Abegail Pono, at isang over reach violation ni Poyos na nagbigay sa NU ng match point bago tuluyang tapusin ni Maaya ang laban sa pamamagitan ng matatag na block.
Nagtala si Poyos ng 21 puntos (20 mula sa mga atake), habang may 12 puntos si Jurado, at nag-ambag sina Marga Altea at Xyza Gula ng tig-11 at 10 puntos para sa UST. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com