MATAPOS ang matagumpay na Trans Luzon Endurance Run na 1,461 km na rutang tinahak ng tinaguriang Running Inay na si Marlene Gomez Doneza susunod na target naman ng kanyang team ang pagtahak sa Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng tatawaging Trans Philippines Endurance Run.
Sa pagbisita niya kahapon sa Tabloids Organization in Philippine Sports. Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ kahapon sa PSC Conference Room sa Malate, Manila, “Upang maipagpatuloy ko pa ang aming adbokasiya na maipalaganap ang kalusugan, pagbibigay inspirasyon sa kabataan at tulad kong senior citizen ako po ay handang ipagpatuloy na tumakbo pa at libutin ang iba pang sulok ng Pilipinas. Nakita ng mga kababayan natin ang determinasyon ko kaya marami sa kanila ang natutuwang sumasabay sa akin at nagpapa-selfie,” aniya sa programang suportado ng Philippine Sports Commission, Lila Premium Healthy Coffee at livestream sa TOPS Usapang Facebook page, Bulgar Sports at Sports Corner.
Ang 63-anyos na Batanguena na si Doneza ang itinuturing ngayong kauna-unahang Pinay na nakapagtala sa kasaysayan ng nabanggit na mahabang distansiya sa takbuhan. “Sa loob ng 36 na araw ay may average po akong takbo na 41 km. Sa lalawigan ng Isabela lamang ako labis na nainitan gawa ng panahon doon at sobrang maalinsangan, wala namang ibang mahirap na karanasan sa ibang ruta naming dinaanan mula Matnog, Sorsogon hanggang matapos namin sa Pagudpud, Ilocos Norte.”
Pagdating sa training bago sumabak sa Trans Luzon kung saan inaalalayan siya ng isa ring ultramarathoner na si Melanie Malihan, ginagabayan ni RTC coach Nick Gandeza at nagsilbing driver navigator ng team ang mister niyang si Tony aniya, “Halos isang taon akong nagsanay, apat na beses sa loob ng isang buwan ay naglo-long distance running ako, 50 hanggang 100km. Pinaghahandaan pong mabuti ang katawan at kondisyon ng kalusugan upang hindi mabibigla sa aktuwal na challenge.”
Binigyang halaga rin ni Doneza ang sikreto ng pagpapalakas ng kanyang katawan bilang preparasyon niya, “Wala naman akong diet, malakas ako kumain, partikular ng gulay at isda, wala rin akong maintenance pero hindi ako palainom o palakain ng mga artificial na pampalakas. Basta’t ugaliin lang na mag-ehersisyo at laging palakasin ang katawan upang maiwasan ang anumang sakit ng isang senior citizen.”
Nakatanggap din si Running Team Calabarzon member Doneza ng Certificate of Commendation dahil sa ipinakita niyang tibay at stamina mula sa Sangguniang Lungsod ng Batangas at Committee ng Senior Citizens ng lalawigan at isang plake mula sa DGB events and management ng RTC.
Binigyang-halaga rin ni Doneza ang paggamit ng pinakamatibay, komportable at hindi pinapaltos na paa sa gamit niyang rubber shoes, “Dalawang pares lang po ang ginamit ko at iisang brand na Altra na tunay naman pong napakasarap sa paa dahil maluwag ang entrada at hindi ako binigo.”
Nagpaabot din ng mensahe ng pasasalamat si Doneza sa lahat ng mga tumulong sa pinansiyal na aspeto kung saan umabot ng P200,000 ang kanilang nagastos at kalahati roon ay mula sa sariling bulsa. “Iba ang pakiramdam kapag ang bawat isa sa pamilya ay naengganyo ko na gawin din ang ugaling page-ehersisyo at nahihikayat ng aming adbokasiya na ituloy ang pagiging aktibo para sa mas malusog na komunidad.”
Bitin pa raw aniya ang ating bida sa pagtahak niya sa Luzon, inaasahan niyang masusundan ito ng pagtakbo sa Visayas at Mindanao, “Parang hinahanap pa rin ng katawan ko at ng teammate ko, sana kung pagpapalain at matulungan sa aking kababaang-loob na paghingi ng suporta sa pamunuan ng PSC ay itutuloy ko ang adbokasiyang ito.” (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com