HINIKAYAT ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso and Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ikonsidera ang paglilipat ng planta ng dumi sa alkantarilya (sewage treatment plant – STP) na nasa Roxas Blvd., dahil bahura ito o humaharang sa magandang tanawin ng paglubog ng araw sa Manila Bay.
Nais ni Mayor Isko na ilipat sa Cultural Center of the Philippines (CCP) complex ang ‘bahurang planta ng ebak’ para maipreserba ang kilalang Manila Bay sunset view.
Aniya, ang nasabing pasilidad sa tabing-baybayin ng Maynila ay isa nang ‘eyesore’ na nakabahura sa pinakamagandang tanawin sa look ng Maynila.
“Ang mungkahi ay upang mabalanse ang urban aesthetics at proteksiyon sa kapaligiran sa pamamagitan ng paglilipat sa pasilidad sa isang lugar na hindi masyadong lantad sa publiko,” dagdag ni Isko.
Idinagdag ni Domagoso na maaaring i-redirect ang kasalukuyang linya ng mga tubo patungo sa bukas na espasyo sa CCP Complex, kung saan isang mas malaki at mas episyenteng imbakan ng dumi sa alkantarilya ang maaaring itayo.
“If possible, perhaps a bigger STP can be built at the CCP complex,” ani Moreno kay Public Works Secretary Vince Dizon sa pulong ng Metro Manila Council kahapon.
Binigyang diin ni Moreno ang relokasyon ng STP ay makatutulong na maibalik ang pantanawin at panturismong kahalagahan ng Manila Bay area, isa sa mga susing atraksiyon sa lungsod. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com