BUMULAGTA ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) nang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa Sampaloc, Maynila, nitong Miyerkoles ng madaling araw, 5 Nobyembre.
Agad namatay ang 38-anyos biktima na tinamaan ng mga bala ng baril sa kaniyang ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong 3:55 ng madaling araw kahapon nang maganap ang insidente ng pamamaril sa Brgy. 465, sa nabanggit na lugar.
Pahayag ng ilang mga residente, nasaksihan nilang nagsusuntukan ang suspek at biktima sa hindi matukoy na dahilan.
Sa gitna ng kanilang pagsusuntukan, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek saka pinaputukan nang ilang ulit ang biktima bago mabilis na tumakas.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at patuloy sa pangangalap ng ebidensiya upang matunton at madakip ang tumakas na suspek.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com