GENERAL SANTOS CITY – Umukit ng panibagong record si Franklin Catera ng Iloilo City nang masungkit ang gold medal sa boys’ high jump event sa 2025 Batang Pinoy Games na ginanap sa Antonio Acharon Sports Complex, kahapon.
Huling taon na ng 17-anyos na si Catera sa pagsabak sa nasabing event na inorganisa ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni Chairman Patrick “Pato” Gregorio kaya’t may iiwanan siyang alaala.
Binura ng 5-foot-11 at estudyante sa Tigbauan National High School na si Catera ang sariling record na 1.98 meter na naitala noong nakaraang taong edition sa Puerto Princesa, Palawan nang lundagin ang 2.04 meter.
Sinubukan ni Catera ang 2.06m ngunit matapos ang dalawang talon ay sumenyas siyang kontento na sa naisumiteng oras.
“Ang sarap po sa pakiramdam na na-break ko ‘yung sarili kong record, tinarget ko talaga iyon,” masayang sabi ng 5-foot-11 atleta.
Kinalawit ni Prince Jhonrey Macuha ng Masbate ang silver medal habang bronze ang naikuwintas ni Ivan Ver Talplacido ng Maynila.
Samantala, nasilo ni Markeexia Gail Maiquez ng Pangasinan ang gold medal sa Archery nang umiskor ng 335 points sa Individual Girls 12yo Recurve 1st Distance na nilaro sa Notre Dame of the Dadiangas University.
Nagwagi rin ng ginto si Jan Dwayne Malpas ng Tacloban sa swimming competition Boys 12-13 50LC meter freestyle matapos ipasa ang 26.26 seconds; silver si Jericho Gabriel Santos ng Pampanga (26.89); habang bronze ang naiuwi ni Maverick Longos ng Cagayan de Oro.
Sa cycling, nanaig si Nathaniel Aquino ng City of Pasig sa Boys 16-17 Individual Road Race habang si Precious Faye Hindap ang pumadyak ng gold medal sa Girls 16-17 Individual Road Race. (PSC MCO/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com