Friday , December 5 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
Noah Arkfeld Surfing PSC
ANG 21-anyos na si Noah Arkfield, No 1 surfboarder ng bansa ay kalahok sa kasalukuyang ginaganap na 2025 Siargao International Surfing Cup Qualifying Series 6000. (PSC MCO Photo)

Arkfeld, sakay ng ‘alon ng mga pangarap’ patungo sa matagumpay na surfing career

GENERAL LUNA, SIARGAO — Habang karamihan sa mga bata ay nagsisimula pa lamang matutong magbisikleta, si Noah Arkfeld ay abala na sa paghahabol ng mga alon.

Ngayon, sa edad na 21 anyos, ang batang lumaki sa Siargao ay nakapag-ukit ng pangalan sa kasaysayan ng surfing sa Filipinas, nang maging No. 1 shortboarder ng bansa noong 2022, bunga ng kanyang matagumpay na pagwawagi sa isang pambansang torneo tatlong taon na ang nakalilipas sa kanyang sariling bayan.

“Ang magagandang alon, ang mga surfer, at ang mismong kapaligiran — iyan ang mga bagay na nagbibigay-inspirasyon sa akin upang makipagsabayan sa pinakamahuhusay,” ani Arkfeld, sa panayam habang nasa gilid ng kasalukuyang ginaganap na 2025 Siargao International Surfing Cup Qualifying Series 6000.”

Ang naturang paligsahan, na inorganisa ng World Surf League (WSL), ay kinikilalang pinakamataas na antas ng WSL qualifying series na ginanap sa Filipinas.

Si Arkfeld ay anak ng isang Amerikanong ama mula Nebraska at isang Filipinang ina mula Zamboanga. Siya ang panganay sa limang magkakapatid at tanging siya lamang ang naakit sa tawag ng dagat.

Nang makapagtapos sa senior high school dalawang taon na ang nakararaan, pinili niyang tahakin ang propesyonal na landas ng surfing. Isang desisyon itong nagbunga ng magagandang resulta, ngunit ayon sa kanya, malayo pa ang kanyang nais marating.

Ang susunod niyang target: ang World Surf League (WSL) Challenger Series, na nagsisilbing daan patungo sa hanay ng mga pinakamagagaling na surfer sa buong mundo.

“Isa ito sa aking pangunahing layunin sa kasalukuyan,” wika ni Arkfeld. “Bagaman malayo pa ako sa inaasam, itinuturing kong malaking pagkakataon itong torneo sa Cloud 9. Naniniwala akong makakukuha ako rito ng mahahalagang puntos upang mas mapalapit sa aking pangarap.”

Sa pangunguna ng Philippine Sports Commission, (PSC) nakatakdang ganapin sa 31 Oktubre ang pagtatapos ng Siargao International Surfing Cup, na may layuning palakasin ang sports tourism at ipakita ang husay ng mga Filipino sa larangan ng surfing.

Nakatawag ito ng atensiyon ng mga nangungunang surfer mula sa iba’t ibang panig ng daigdig, kabilang ang 128 kalalakihan at 64 kababaihan, na pawang naglalaban para sa $50,000 AUD o humigit-kumulang ₱1.9 milyon premyo para sa kampeon.

Ang Cloud 9, ang tanyag na kanang reef break sa bayang ito na kilala bilang surfing capital ng Filipinas, ay matagal nang nagsilbing pagsubok at tagapanday ng mga lokal na surfer.

Para kay Arkfeld, higit pa sa isang kompetisyon ang paligsahan—ito ay tulay patungo sa mas mataas na mithiin. Nakatuon ang kanyang pansin sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan, at maging sa 2028 Olympics sa Los Angeles, Estados Unidos. Alam niyang ang daan patungo roon ay sasailalim muna sa pagpili ng pambansang koponan at mga internasyonal na kalipikasyon.

“Kailangan kong muling makapasok sa Philippine team upang magkaroon ng pagkakataong makalahok sa Asian Games sa susunod na taon, at siyempre, sa Olympics sa 2028,” pahayag ni Arkfeld.

Simula nang siya ay 10 anyos pa lamang, sinasanay na ni Arkfeld ang sarili sa dagat. Ang kanyang pag-angat ay sumasalamin sa patuloy na pag-unlad ng surfing sa Filipinas.

“Patuloy na tumataas ang antas ng kompetisyon. Marami nang mahusay na Filipino surfer na sabik sa laban at hangad ang tagumpay,” aniya.

Ang ganoong pagsisikap at determinasyon ay pamilyar kay Arkfeld. Lumaki siyang pinapanood ang mga lokal na alamat at mga internasyonal na idolo na humahati sa mga alon ng Siargao—mula roon ay hinugot niya ang inspirasyon at disiplina.

“Ginagawa nila ang lahat upang marating ang tugatog. Ang panonood sa kanila ang nagtulak sa akin na gawin din iyon,” aniya.

Sa puso ang pangarap at surfboard sa mga paa, hindi lamang mga alon ang sinasakyan ni Noah Arkfeld—kundi ang kinabukasan ng surfing sa Filipinas. (PSC MCO/HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

DA‑4K NFA Rice IP Occidental Mindoro

Rice-Procurement Partnership ng mga magsasakang IP at ng pamahalaan, inilunsad

ISANG makasaysayang partnership ang inilunsad kamakailan upang isama ang Indigenous People (IP) usa local rice …

Porac Pampanga

Porac, Pampanga Mayor Capil sumuko nagpiyansa ng P.63-M para sa kasong graft

SUMUKO si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil nitong Martes, 2 Disyembre, sa Pasig City RTC …

Cargo ship fire Manila North Harbor

Cargo ship tinupok ng apoy; 3 sugatan sa Manila North Harbor

TATLONG indibiduwal ang iniulat na sugatan matapos tupukin ng apoy ang isang cargo vessel na …

Leilani Lacuna

Mayor Isko, Atienza sinampahan ng kasong graft, grave misconduct sa Ombudsman

NAGHAIN ng reklamo si dating Liga ng mga Barangay Manila president Leilani Lacuna, na kapatid …

Alan Peter Cayetano

Cayetano pinapopondohan rehiyong may malalang bilang ng mga bansot

NABABAHALA si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa aniya’y tumataas na kaso ng pagkabansot …