ISINUSULONG ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng teknolohiya at pagkakaroon ng technology-powered future ng organisasyon sa pamamagitan ng paggamit ng drones, data analytics, at interconnected systems para tiyaking ligtas, matalino, at mas responsive ang PNP sa panahon ng krisis.
Inihayag ito ni PNP Acting Chief PLtGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., kaugnay ng pagpapaunlad sa sistema ng pulisya sa pagtugon sa kanilang tungkulin sa bayan.
Ayon kay Nartatez, kumikilos ang PNP para mapaigting ang situational awareness at operational efficiency sa pamamagitan ng paggamit ng unmanned aerial systems o drones na may kakayahang makapagbigay ng real-time monitoring.
Aniya, maaari itong gamitin sa panahon ng kalamidad, search at rescue operations, traffic management, at law enforcement missions, para makita ng mga ground commander ang nangyayari o kasalukuyang sitwasyon.
Magugunitang noong 2018, inianunsiyo ng PNP ang pagbili ng 700 drone units na nagkakahalaga ng P56 milyon para palakasin ang law enforcement, surveillance, at internal security operations.
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa patterns mula sa crime reports, paghingi ng tulong at mobility data, maaaring matukoy ng police units ang potential trouble spots at magiging mas mahusay at praktikal sa pagde-deploy ng resources.
Magagamit nang wasto ang nasabing inisyatiba kasabay ng Unified 911 Emergency Hotline System na inilunsad ng DILG sa Central Visayas na suportado ng PNP, kamakailan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com