NAGPAHAYAG ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ng kanilang buong suporta sa mga House resolution na inihain ng Makabayan bloc sa pangunguna ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list at Rep. Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party, na nananawagan ng congressional investigation sa naiulat na P8.8-bilyong lugi at kuwestiyonableng investment ng Government Service Insurance System (GSIS), kabilang ang hindi pagdedeklara ng taunang benepisyong cash para sa mga compulsory life insurance policy at kakulangan ng pagbibigay ng mga dibidendo para sa mga kalipikadong miyembro ng GSIS.
Nag-ugat ang panawagan sa rebelasyon ng mga dati at kasalukuyang GSIS trustees na nagsusulong ng agarang pagbibitiw ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso dahil sa mga over high-risk at poorly vetted investment na naging dahilan ng malaking pagkalugi, paglabag sa fiduciary duties, at kakulangan ng transparency.
Pahayag ni Ruby Ana “Titser Rubs” Bernardo, ACT Chairperson, isinasakripisyo ng mga guro at mga empleyado ng pamahalaan ang bahagi ng kanilang maliliit nang sahod para sa kontribusyon sa GSIS, sa tiwalang magiging maayos ang pamamahala sa pinaghirapang salapi.
Dagdag ni Bernardo, hindi katanggap-tanggap na ang mga pondong ito mula sa pinaghirapan ng mga guro at mga kawani ng gobyerno ay magamit sa mga kuwestiyonableng transaksiyon kabilang ang mga investment na may kinalaman sa sugal.
Kinondena ng ACT ang pagsira sa tiwala ng publiko dahil sa lantarang mismanagement ng mga pondong itinuturing na panghabambuhay na ipon ng milyon-milyong kawani ng gobyerno.
Sa kabila ng pagmamalaki ni Veloso ng “strong growth” ng GSIS, hindi ito makita ng mga miyembrong nakatatanggap ng maliit na dibidendo sa kabila ng ilang dekadang puwersahang kontribusyon.
Kinonkondena rin ng grupo ng mga guro ang pagtaas ng mga multa at abusadong loan policies na lalong naglulubog sa utang sa marami sa kanila at lalong nagpapahirap sa sektor na nakatatanggap ng mababang sahod sa kabila ng mabigat na trabaho.
Binigyang-diin ng ACT, sa gitna ng “wellness break” para sa mga guro, mananatili ang pagsulong ng mga teacher-leaders para sa mga polisiyang tunay na magpapatatag sa mga karapatan at kalinangan ng mga guro – una rito ang proteksiyon sa pondo ng kanilang mga pensiyon.
Dagdag ni Bernardo, kabilang ang mga pagkilos na ito sa malawakang panawagan ng taong-bayan na wakasan ang korupsiyon at pananagutin ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan.
Aniya, hindi mananatiling tahimik ang mga guro habang isinusugal ng mga nasa puwesto ang kinabukasan.
Ipinananawagan ng ACT at ng Makabayan bloc ang transparency at accountability sa lahat ng operasyon ng GSIS upang matiyak na maibabalik sa mga kawani ng gobyerno ang bawant pisong kanilang isinubi at hindi sa bulsa ng mga kurakot na opisyal. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com