PINIGIL ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 22 pampasaherong bus na nahuling sangkot sa iba’t ibang uri ng paglabag sa batas trapiko.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II, pinadalhan nila ng notification of the suspension at show cause orders ang Elavil Tours, Phils, Inc., at AMV Travel and Tours, Inc.
Halos 17 bus ng Elavil Tours Inc., may biyaheng Bicol-Manila ang sinuspinde ng LTFRB nang hindi lalagpas sa 30 araw habang limang bus ng AMV Travel and Tours, Inc., ang pansamantalang hindi makabibiyahe.
“This should serve as a stern warning to transport companies to comply with the minimum standard for safe operations and maintaining passenger-friendly stations and terminals,” ani Mendoza.
Binigyang-diin ni Mendoza, ang mga pasahero ang bumubuhay sa negosyo ng mga PUBs kaya nararapat na magsilbi nang maayos sa commuters.
“Hindi puwedeng pahihirapan ninyo ang inyong mga pasahero na nababasa kapag umuulan, walang maupuang maayos habang naghihintay ng biyahe at hindi makagamit ng mga CR dahil sa sobrang dumi,” sabi ni Mendoza.
Magugunitang si Transportation Secretary Giovanni Lopez ang mismong nakahuli sa Elavil Tours, Inc., na gumagamit ng illegal terminal sa Pasay City na una nang ipinasara ng DOTr.
Ipinasusuko rin sa dalawang kompanya ang for-hire plates at pinagpapaliwanag kung bakit hindi sila dapat suspendihin o bawian ng prangkisa.
Binigyan ni Mendoza ng due process ang dalawang kompanya at pinahaharap sa LTFRB ngayong 22 Oktubre.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com