HINDI nailigtas sa kamatayan ang isang radio broadcaster na pinagbabaril ng nag-iisang gunman sa Brgy. Morera, Guinobatan, Albay, ayon sa ulat nitong Martes ng hapon.
Sa report, ang biktimang si Noel Samar, commentator ng ITV at brodkaster ng DWIZ ay idineklarang patay ni Dr.Krisha Zamantha Riosa dakong 2:20 ng hapon sa Bicol Regional Hospital and Medical Center matapos sumailalim sa operasyon dahil sa apat na tama ng bala sa katawan.
Hustisya ang sigaw ng mga kaanak at kasamahan sa media sa Albay ni Samar sa pagpaslang sa huli.
Nagpaabot ng pakikiramay sa naiwang pamilya sina Atty. Eric Glen Peralta at Atty. Francis Mangrobang, ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na dumating kahapon sa Camp Gen. Simeon Ola at dumalo sa ginawang case conference na pinangunahan ni regional director Brig. Gen. Nestor Babagay, Jr.
Tiniyak ng mga kinatawan ng PTFoMS sa pamilya, sa pamamagitan ng koordinasyon at malalim na imbestigasyon ng binuong “Special Investigation Task Group Samar” ay maihahatid ang hustisya sa pagpaslang sa biktima.
Sa buong Bicol, si Samar ay pangwalo at pang-lima naman sa Albay na namatay dahil sa karahasan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com