TINATAYANG 100 estudyante ng Bicol University (BU) ang sumama ang pakiramdam, nanghina, nahimatay, at nasugatan habang marami rin ang isinugod sa pagamutan nang hindi makahinga sa makapal na usok mula sa pinaputok na colored smoke bombs sa opening salvo ng isang linggong BU Olympics 2025 sa main compound ng universidad sa lungsod noong gabi ng Lunes.
Agad sinuspende kahapon ng unibersidad ang paglulunsad ng olympic pati na ang klase para mabigyang pagkakataon ang mga apektadong estudyante na makapagpahinga habang siniguro na nakahanda ang paaralan na tumulong sa mga isinugod sa ospital at sumasailalim sa outpatient care.
Sa imbestigasyon ng Legazpi City Police, sa pamumuno ni acting chief Lt. Col. Domingo Tapel, naganap ang insidente dakong 7:15 ng gabi sa pagbubukas ng nasabing olympic habang nagsasayaw ang hindi bababa sa 10,000 estudyante na lumahok sa BU Hataw bilang opening salvo.
Sa orihinal na plano, pang-finale na gagamitin ang colored smoke bombs bilang props pero nagsisimula palang ay nagpaputok na ang ilan at nagkasunod-sunod na dahilan para mag-zero visibility ang malawak na compound at marami ang hindi nakahinga, nahilo, nanghina at hinimatay. Marami ang nasugatan.
Agad nagresponde ang 10 ambulansiya mula sa MDRRMO-Daraga, Legazpi City Emergency Response Team, at ang Legazpi City Police Station para isugod ang mga apektadong estudyante sa pagamutan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com