NAITALA nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons ang kauna-unahang panalo ng Pilipinas ngayong taon sa challenge level ng Volleyball World Beach Pro Tour Challenge 2025, matapos nilang talunin ang koponan ng Slovenia sa iskor na 21-19, 21-9, nitong Biyernes sa women’s main draw Pool G na ginanap sa Nuvali Sands Court by Ayala Land sa Santa Rosa, Laguna.
Matapos ang dikitang laban sa unang set, nagpakita ng kahusayan at kompiyansa sina Rondina at Pons sa ikalawang set, na nagresulta sa isang dominanteng panalo laban sa mas matangkad na kalaban.
Ang tagumpay na ito ay nagmarka ng makasaysayang panimula para sa Pilipinas, bilang unang pagkakataon na makapagtala ng panalo sa Challenge level ng prestihiyosong Volleyball World Beach Pro Tour na inorganisa ng Volleyball World at ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Ayon sa mga tagahanga, ipinakita nina Rondina at Pons ang pusong Palaban ng mga Pilipino, at muling pinatunayan na kaya ng bansa na makipagsabayan sa mga pinakamahusay na beach volleyball duos sa buong mundo.
Susunod na makakaharap ng Rondina-Pons tandem ang mas mataas na ranggong koponan mula sa Europe, kung saan nakasalalay ang kanilang tsansang makapasok sa knockout round ng torneo. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com