Saturday , January 24 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
GAP Logo World Junior Gymfest

GAP Ipinakilala ang Pearl-Inspired na Logo para sa World Junior Gymfest

BATAY sa mayamang kultura at kasaysayan ng Pilipinas, inilunsad ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) ang opisyal na logo ng 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships, na sumasalamin sa masigla at dinamikong diwa ng pandaigdigang paligsahan, gayundin sa masidhing suporta at pagmamalasakit ng mga Pilipino sa pagsasagawa ng nasabing prestihiyosong kaganapan. Ito ay inihayag ni GAP President Cynthia Carrion.

“Ang gymnastics ay isang masigla at buhay na disiplina, at tayong mga Pilipino ay likas na mainit, masigasig, at pursigido sa anumang ating pinaghuhusayan. Ang mga katangiang ito ang nagsilbing inspirasyon sa paglikha ng opisyal na logo para sa Junior World Championships,” ani Carrion sa opisyal na pagpapakilala ng disenyo.

Kilala ang Pilipinas bilang “Perlas ng Silanganan,” at ang logo ay nilikha na may anyong kabibe—may matingkad na kumbinasyon ng lila, puti, at gintong kulay sa isang translucent na likuran. Sa gitna nito ay ang opisyal na logo ng Fédération Internationale de Gymnastique (FIG) na nagsisilbing perlas ng kabibe.

Ayon kay Carrion, ang kabibe ay simbolikong pagkilala sa Pilipinas bilang kagalang-galang na host ng pandaigdigang paligsahan, at nagpapakita ng isang bansang bukas-palad, ligtas, at sumusuporta sa mga batang atletang nangangarap maging kampeon.

“Pinili namin ang simbolismong ito sapagkat ipinakikita nito na tayo ay isang mayaman, makinang, at maasikasong bansa na binubuo ng mahigit 100 milyong mamamayan,” dagdag niya. “Ito ang pagkakakilanlan na taas-noong ipinagmamalaki ng mga Pilipino.”

Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Carrion na ang pagkakalagay ng opisyal na FIG logo sa loob ng kabibe ay sumisimbolo sa pagka-unibersal ng gymnastics bilang isang tanyag at patuloy na tinatangkilik na isport sa Palarong Olimpiko. Sa kasalukuyan, may 161 bansang kasapi na ang FIG.

Ipinahayag din ni Carrion na 77 bansa at 846 na kalahok na ang nakapagpatala para sa nasabing paligsahan na gaganapin mula Nobyembre 20 hanggang 24 sa Grand Ballroom ng Manila Marriott Hotel sa loob ng Newport World Resorts, Pasay City.

Bukod sa pangunahing venue, ipinaalam ni Carrion na maraming alternatibong matutuluyang akomodasyon ang mga delegado dahil sa estratehikong lokasyon ng kumpetisyon. Kabilang sa mga opisyal na hotel partners ang Sheraton Manila, Hilton Manila, Belmont Hotel Manila, Hotel Okura, Savoy Hotel, at Hilton Express, na pawang matatagpuan sa loob ng walking distance mula sa pasilidad ng paligsahan, na nasa gitna ng pangunahing sentro ng libangan, pamimili, at turismo, sa tapat ng NAIA Terminal 3.

Ayon pa kay Carrion, nalampasan na ng Pilipinas ang bilang ng mga kalahok sa nakaraang edisyon ng kumpetisyon, na ginanap sa Antalya, Turkey dalawang taon na ang nakararaan, kung saan mayroong 234 na gymnast mula sa 64 na bansa. “Inaasahan naming madaragdagan pa ito, at kami ay ganap na handa sa kanilang pagdating,” aniya.

Sa itaas ng logo, makikita ang imahe ng isang lalaking gymnast na nasa rings at isang babaeng gymnast na nasa balance beam. Ayon kay Carrion, sila ay kumakatawan sa mga kabataang atleta na maingat na hinuhubog upang maging susunod na henerasyon ng mga natatanging gymnast.

“Ang mga piling atletang ito ay bihira, may angking husay, at puno ng potensyal na handang sumikat sa pandaigdigang entablado. Katulad ng mga perlas na binubuo ng panahon at presyon, ang mga batang gymnast na ito ay bunga ng maraming taon ng dedikasyon, disiplina, at matayog na pangarap,” pagtatapos niya.

Kabilang sa mga pambato ng Pilipinas sina Karl Eldrew Yulo, nakababatang kapatid ng Paris Olympic gold medalist Carlos Edriel Yulo, at si Elisabeth Antone, nagwagi ng bronse sa individual all-around event sa katatapos lamang na Asian Junior Gymnastics Championships sa Jecheon, South Korea. (HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

DOST CINCO Digital ESWF BB 88 ENTER BATTLE ZONE 2026 SALPAKAN Vi the Game Competitions

DOST, CINCO Digital, ESWF, and BB 88 Expand ENTER BATTLE ZONE 2026 with SALPAKAN and Vi the Game Competitions

Bicutan, Taguig City — The Department of Science and Technology (DOST), in partnership with key …

PVL Premier Volleyball League

PVL All-Filipino magbubukas sa bagong format, mas balanseng labanan

Mga Laro sa Enero 31 (FilOil Centre) 4:00 n.h. – Galeries Tower vs Cignal 6:30 …

ASEAN PARA Games

Bejino, Gawilan, ginto agad sa 13th ASEAN Para Games

NAKHON RATCHASIMA – NIREGALUHAN ni Paralympian Gary Bejino ang anak nito na nagseselebra ng kaarawan …

World Surf League WSL

Nagsama-sama ang mga global wave riders sa WSL La Union International Pro

SAN JUAN, LA UNION — Halos 120 longboarder mula sa 24 na bansa ang dumagsa …

SM City Cebu

A Cebuano New Year Like No Other at SM Supermalls

The locals of the Queen City of the South know how to have a good …