DALAWANG lalaking magkapatid ang bigla na lamang tumumba at kinumbulsiyon habang tumatawid sa isang kalye sa Sampaloc, lungsod ng Maynila, nitong Sabado ng hapon, 11 Oktubre, matapos umanong humithit ng “black cigarette” o “tuklaw.”
Sa kuha ng CCTV, makikita ang isa sa mga biktima na patawid sa kalsada nang bigla na lamang nanginig, tumirik ang mata, saka natumba.
Ilang saglit ang lumipas, lumapit sa kaniya ang isang lalaking kinilalang kaniyang kapatid, upang siya ay tulungan ngunit siya rin ay natumba sa tabi ng naunang biktima.
Ayon sa mga saksi, saglit na bumalik ang malay ng pangalawang lalaki, tumayo, at pinagsusuntok ang kaniyang kapatid, saka natumbang muli at nawalan ng malay.
Nagdulot ng takot ang nangyari sa mga biktimang natukoy na may edad 17 at 19 anyos, kaya tumawag ng mga pulis ang mga nakasaksi.
Agad dinala ng mga nagrespondeng pulis ang dalawa sa pinakamalapit na pagamutan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nakita ang dalawa sa tabi ng convenience store na naninigarilyo bago maganap ang insidente.
Naniniwala ang mga awtoridad na ang paggamit ng “tuklaw” ang dahilan ng kombulsiyon at panandaliang pagkaparalisa ng dalawang biktima.
Ayon sa mga doktor, patuloy nilang inoobserbahan ang kondisyon ng dalawa.
Samantala, patuloy rin ang imbestigasyon ng pulisya upang makompirma ang pinanggalingan ng ilegal na sigarilyo at kung mayroon pang ibang sangkot dito.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com