BINAWIAN ng buhay ang apat katao habang sugatan ang walong iba pa nang ararohin ng isang cargo truck ang 11 sasakyan at tatlong bahay sa Maharlika Highway, sa bahagi ng Purok Maulawin, Brgy. Isabang, lungsod ng Lucena, lalawigan ng Quezon, nitong Sabado ng gabi, 11 Oktubre.
Kinilala ng pulisya ang tatlong patay na biktimang sina William Lorilla, 34 anyos, truck driver; Sherwin dela Cruz, 41 anyos; at Roldan Ranillo, 34 anyos; habang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng isa pa na natagpuan sa loob ng isa sa mga bahay.
Sa imbestigasyon, mabilis ang takbo ng truck at naunang bumangga sa gutter saka inararo ang mga nakaparadang mga sasakyan sa gilid ng kalsada at ang mga bahay.
Tatlo sa mga sasakyan ang natupok ng apoy – Toyota Corolla, Toyota Vios, at Toyota Avanza.
Dinala si Lorilla, ang truck driver, sa pagamutan kung saan siya idineklarang wala nang buhay; habang sina Dela Cruz at Ranillo na nakasakay sa tricycle ay natagpuang patay sa gilid ng kalsada.
Samantala, kinilala ang mga sugatang sina Jerimy, 18 anyos; Rose, 21 anyos; Almico, 21 anyos; Almica, 19 anyos; Almiro, 7 anyos; Maria, 70 anyos; Michelle, 47 anyos; at Almira, 20 anyos, pawang mga nasa loob ng mga bahay.
Dinala ang mga sugatang biktima sa Quezon Medical Center upang malapatan ng lunas.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com