Isang daang araw na ang lumipas, at ang Philippine Sports Commission (PSC), sa pamumuno ni Chairman Pató Gregorio, ay patuloy na nagkakamit ng kapuri-puring pag-unlad tungo sa isang makabago at progresibong larangan ng pampalakasan para sa bansa.
Sa pamamagitan ng tatlong pangunahing layunin — ang pagpapabuti ng kapakanan ng mga atleta, ang pagtatatag ng mga rehiyonal na sentrong pangsanay, at ang pagpapalawak ng sports tourism — muling nagkaroon ng malinaw na direksyon at layunin ang PSC upang gamitin ang lakas ng palakasan bilang instrumento ng pambansang kaunlaran at pagkakaisa.
From grassroots to gold. From gold to greatness.
Sa landasing ito, sinimulan ng PSC ang isang kilusan para sa pagsusulong ng malusog na pamumuhay at pisikal na kagalingan sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga pag-aari nitong track oval para sa publiko. Ang simpleng hakbang patungo sa mas malawak na akses ay naging mitsa ng mas malalim na kooperasyon sa pagitan ng PSC at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaang yunit (LGUs) upang makapagpatayo ng mga regional training center at ligtas na pampublikong pasilidad.
Nakatanggap ng nararapat na dagdag ang buwanang allowance ng mga pambansang atleta at mga tagapagsanay, habang ang mga National Sports Associations (NSAs) ay nakinabang sa mas episyenteng mga proseso at walang patid na suporta sa pamamagitan ng 24/7 na serbisyong Gabay Atleta ng PSC.
Patuloy na nagsisilbing huwaran ang PSC sa pagpapatibay ng mga pampubliko-pribadong ugnayan, na siyang nagbibigay ng karagdagang lakas at inspirasyon sa mga atletang Pilipino upang patuloy na maningning sa pandaigdigang entablado.
At sa likas na sigla ng sambayanang Pilipino sa larangan ng palakasan, isinusulong ng PSC ang Pilipinas bilang isang pangunahing destinasyon para sa pandaigdigang sports tourism. Sa pagho-host ng mga pandaigdigang kumpetisyon, ating ipinapamalas hindi lamang ang galing ng mga atleta, kundi pati na rin ang masigla at natatanging espiritu ng sambayanang Pilipino. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com