LIKAS sa ating mga Pinoy ang mag-travel para mag-relax at i-explore hindi lamang ang magagandang lugar sa ating bansa maging sa ibang bansa. Muling nagbabalik ang World Travel Expo (WTE) para sa ika-9 na taon nito.
Mas malaki at mas engrande kaysa rati. Magaganap ito sa Oktubre 17–19, 2025 sa SPACE, One Ayala, Makati City at sa Nobyembre 14–16, 2025 sa Manila Bay.
Sa ginanap na media launch kahapon, Miyerkoles, sa SPACE, One Ayala, taos-pusong nagpasalamat ang organizer na si Miles Caballero sa partners, exhibitors, at miyembro ng media.
“Habang nakikita ko kayong lahat dito, ang nararamdaman ko ay puro pasasalamat. Narito kayo hindi lang upang saksihan ang paglulunsad—narito kayo dahil naniniwala kayo sa diwa ng paglalakbay at sa pinaninindigan ng World Travel Expo. At dahil doon, taos-puso akong nagpapasalamat.”
Naging gabay ang kanyang mga salita para sa isang makasaysayang taon, habang muling bumabalik ang WTE sa Makati at Manila Bay, na magbubukas ng mas malawak na oportunidad at makaaabot sa mas maraming manonood.
Ito ay Inorganisa ng AD Asia Events Group OPC, tampok sa WTE Year 9 ang mga nangungunang airlines, hotel groups, regional tourism offices, at lifestyle brands, na libo-libong bisita ang inaasahang dadalo sa parehong venue. Makatatanggap ang mga magtutungo roon ng eksklusibong travel promos, networking opportunities, cultural showcases, at community activities.
Binigyang-diin din ni Caballero ang mas malawak na layunin ng expo: “Ang Year 9 ay hindi lang tungkol sa unbeatable promos. Ito’y tungkol sa muling pagpapaalab ng hilig sa pagtuklas, pagpapatibay ng ugnayan sa industriya, at pagdiriwang ng papel ng paglalakbay sa pagkokonekta ng mga kultura.”
Sa sunod-sunod na edisyon sa Makati at Manila Bay, tiniyak ng World Travel Expo 2025 na higit pa ito sa mga travel deal—mag-aalok ito ng hindi malilimutang karanasan, bagong pagkakaibigan, at matatamis na alaala.
“Tuklasin natin ang ganda. Tuklasin natin ng malaya. Gawin nating hindi malilimutan ang paglalakbay na ito,” pagtatapos ni Caballero.
Tara! Travel na! (Allan Sancon)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com