WALA nang buhay nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki sa liblib na bahagi ng Brgy. Tanauan, sa bayan ng Tanza, lalawigan ng Cavite, nitong Linggo ng gabi, 21 Setyembre.
Sa ulat mula sa PRO4-A PNP, nakatanggap ng tawag ang Tanza MPS mula sa chairman ng Brgy. Tanauan kaugnay sa nakitang labi.
Inilarawan ng mga awtoridad ang biktima bilang isang lalaking nasa edad 40 hanggang 50, nakasuot ng itim na pantalon, puting sapatos, at itim na t-shirt na may tatak sa likod na “Special Forces.”
Nakagapos ng itim na tela ang mga kamay ng biktima at binusalan ang bibig ng puting tela.
Isasailalim sa awtopsiya ang katawan ng biktima upang matukoy ang dahilan ng kaniyang kamatayan.
Ayon sa Tanza MPS, humingi na sila ng tulong sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) at kasalukuyang nire-review ang kuha ng CCTV kasabay ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at mga sirkumstansiya kaugnay ng kaniyang kamatayan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com