TAHASANG sinabi ni Navotas Congressman Toby Tiangco na walang kahit anong insertion o pagsingit ng P529 milyon para sa problema sa baha sa kanilang lungsod dahil iyon ay ang halagang aprobado sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa panahon ng deliberasyon ng pambansang pondo.
“I could not have made any insertion kasi hindi ako member ng Bicam. P529-M was the amount approved in the Bicam from the requests for additional funding for Navotas. All I can do is make a request and the Bicam decides,” sabi ni Tiangco.
Sagot ito ni Tiangco sa alegasyon ni Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin ukol sa mahigit P500 milyon ng pondong inilaan para sa Navotas kaugnay ng lumalalim na imbestigasyon sa flood control scandal.
Apela ni Congressman Tiangco kay Garbin, huwag ilihis ang isyu dahil hindi ito matatanggap ng mga mamamayang nagbabantay sa imbestigasyon sa paglustay at pagkawala ng pondo para pigilan ang pagbabaha.
“So hindi ba mas lalong nakapagtataka kung bakit si Zaldy Co was able to insert P13,803,693,000 to some districts that did not even ask for it? Dagdag pa rito paanong nakapag-insert ang Ako Bicol partylist ng P2,295,000,000 at ang BHW naman ng P2,064,000,000 samantala ang limit ng ibang partylists ay P100 to P150 million lang?” tanong pa ng Navotas congressman.
“Navotas lies downstream of the Tullahan River and is below sea level during high tide. Ibig sabihin, ang tubig ng high tide mula dagat at ilog ay mas mataas kaysa lupa ng Navotas. Therefore, flooding is really the number one issue that needs to be addressed. Napaka-importante ng flood control projects dahil apektado ng baha ang maraming aspekto ng buhay — kaligtasan, kalusugan, kabuhayan, edukasyon, at negosyo ng bawat Navoteño,” sabi ng kongresista.
Tahasang sinabi ni Tiangco na hiniling niya ang pondo sa national government para talaga sa flood control projects ng Navotas na palagi naman binabaha ngunit ang mga ito ay lehitimong nagamit kung kaya malaki na rin ang pagbabago sa problema ng lungsod sa pagbabaha.
“Hindi po ito sekreto. Pero dahil limitado rin ang pondo ng national government, taon-taon ay partial ang pagpopondo kaya phase by phase ang pag-release ng budget,” sabi pa ni Tiangco.
Inilinaw din ng kongresita na hindi sakop ng kanyang tanggapan ang pagpapa-bid sa proyekto kaya hindi umano niya ito pinapakialaman kahit kailan.
“I don’t even ask DPWH kung sino ang nanalong bidders sa mga project. In fact, the first time I asked the District Engineer (DE) was noong lumabas ‘yung Top 15 contractors to check if meron projects ang mga ‘yun sa Navotas. The second time was to ask kung sure ba siya na okay lahat ng projects ng LAHAT ng contractors even those na hindi kasama sa top 15 na nabanggit ng pangulo and the DE confirmed na okay lahat. At kung may matuklasan akong kalokohan sa projects ako ang unang-unang magrereklamo. Anong mapapala ko riyan, hindi naman ako ‘congtractor’,” dagdag pa ng kongresista.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com