ISA na namang ‘marites’ ang nasagap mula sa mga ‘mapagkakatiwalaang source’ tungkol sa isang opisyal ng partido politikal.
Ang tsismis, paldo ang ‘opisyal’ dahil ang bawat koleksiyon na nakukuha sa mga miyembro nito ay sa kanyang bulsa dumederetso.
Nagpapasasa umano ang naturang opisyal sa walang humpay na paglustay ng pondo ng partido mula sa mga miyembro.
Ang malupit nito ang partido ay hindi lamang nakabase sa Metro Manila o sa Luzon kundi malakas din sa Mindanao.
Kawawang mga miyembro ng partido dahil buong akala nila ay mayroon pa silang maayos at mapapakinabangang pondo na magagamit sa pangangailangan ngunit sa huli ay wala na pala.
Pero kung susuriin ang lifestyle ng opisyal, ibang klase. Nakaparada ang mga sports car sa Davao Del Norte. Mantakin ninyo, ang hirap mag-maintain ng ganyang mga ari-arian kaya siguro ‘mahigpit ang pangangalangan’ ng opisyal ng partido.
May koleksiyon din ng mga baril ang opisyal. Ang sabi-sabi, parang pangarap ng opisyal na magkaroon ng arsenal.
Aba, naku dapat sigurong imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ‘yang armory-to-be ng opisyal. Pakirekisa na rin kung sapat ba ang lisensiya ng mga baril sa sobrang dami nito.
Baka naman mag-reinforce pa ang Special Action Force (SAF) para matiyak na tagumpay ang isasagawang ‘sorpresang pagbisita’ sa lahat ng bahay, tanggapan (ng ano?) ng opisyal, at armory-to-be?
Ang sabi, kilalang-kilala ang opisyal sa kanilang probinsiya dahil pamilya sila ng mga politiko ngunit dito sa Metro Manila naninirahan ang kanyang pamilya sa isang sikat at mayamang village.
Kaya hindi tayo nagtataka kung bakit patuloy ang pagsusulong ng iba ukol sa Federalismo kaalyado ang nasabing opisyal.
Ang tanong, espesyal din kaya sa Pangulo ang nasabing opisyal?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com