Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano ang Office of the Ombudsman na magsagawa ng maagap na lifestyle checks sa mga opisyal ng gobyerno bilang panangga laban sa korapsyon.
Iminungkahi ito ni Cayetano sa kanyang pagtatanong sa mga kandidato na nagnanais maging susunod na Ombudsman, na isinagawa ng Judicial and Bar Council (JBC) mula August 28 hanggang September 2, 2025.
Si Cayetano ang Senate representative sa JBC sa kanyang kapasidad bilang Chair ng Senate Committee on Justice and Human Rights.
“I’d really like for you to consider lifestyle checks. Kasi kung wala, there’s no deterrent,” sabi ni Cayetano sa isang kandidato para sa pagka-Ombudsman.
Ipinaliwanag ng senador ang kahalagahan ng lifestyle checks sa pagkumpirma kung naaayon ba ang pamumuhay ng isang opisyal ng gobyerno kumpara sa idineklarang kayamanan base sa kanyang opisyal na Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
“Ngayon sa social media, kapag nakita sa SALN mo na meron kang P5 million, but because all of that were acquired in the 1970s to 80s, and you have a car or watch, they automatically think you’re corrupt. On the other hand, if you say no to lifestyle checks, many will be flaunting their wealth,” wika ng senador.
Binigyang diin rin ni Cayetano ang kahalagahan na mamuhay ng payak at umiwas sa marangyang buhay ang mga opisyal ng gobyerno. Sinabi niya ito sa gitna ng mga maiinit na alegasyon ngayon ng korapsyon sa flood control at ghost projects.
Iginiit rin niya na dapat mapili ang isang matuwid at proactive na Ombudsman sa gitna ng mga pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang katiwalian.
“Napakahalaga na tama ang mapili nating Ombudsman. Given y’ung nangyayari ngayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), given y’ung perennial na nangyayari sa iba’t ibang departamento, having a very proactive but balanced Ombudsman will really change so much,” aniya.
Dagdag pa niya, malaking bagay ang pagpili sa susunod na Ombudsman dahil magiging kritikal ito sa pagbabalik ng tiwala ng publiko sa gobyerno.
“I think who the next Ombudsman is will determine whether people will totally lose confidence in any government official,” wika ng senador.
“If we have a good Ombudsman, I really believe na pwedeng bumalik ang tiwala ng tao sa public officials,” dagdag pa niya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com