Friday , January 30 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Jose Antonio Goitia Gilberto Teodoro

Katotohanan kinatatakutan ng Tsina
West Philippine Sea, atin — Dr. Goitia

PARA kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ay hindi lang basta pelikula. Isa itong salamin ng ating pakikibaka bilang mga Filipino. Ipinapakita nito ang ating mga ama na pumapalaot sa dagat, mga inang nag-iiwi ng pagkain sa hapag, at mga anak na umaasa sa kinabukasan ng bansang iiwan natin. Tungkol ito sa atin, sa buong sambayanang Filipino. Kaya’t ito ang kinatatakutan ng Tsina.

“Hinaharang nila ang palabas na ito dahil inilalantad nito ang mga bagay na ayaw nilang makita ng mundo,” mariing sinabi ni Goitia. “Ipinapakita nito ang kanilang kasinungalingan. Ipinapakita kung paano nila binabalewala at inaabuso ang ating mga mangingisda. Hindi ito nagaganap sa malalayong lugar, kundi dito mismo, sa ating karagatan na sa batas at sa kasaysayan ay atin.”

Ipinaalala ni Goitia na malinaw na ang desisyon ng Hague Tribunal noong 2016: atin ang West Philippine Sea. Walang saysay ang “nine dash line” ng Tsina. Ngunit ano ang ginawa nila? Binalewala ang batas, ang dangal, at ang mga umaasang Filipino sa dagat.

“Hinahabol nila ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang ating isda, at umaasta na parang ang ibig sabihin ng pagkakaibigan ay ang karapatang apak-apakan tayo,” dagdag niya.

Kamakailan, mariing kinondena ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang patuloy na pananakot ng Tsina sa Ayungin Shoal. Nandoon ang kanilang coast guard, militia, at mabibigat na armas na lahat ay ginagamit para gipitin ang BRP Sierra Madre at ang ating mga sundalo.

“Ito ay garapal at lantad na paglabag sa international law,” mariing pahayag ni Secretary Teodoro.

Nakita ng mundo kung paano gumagamit ng water cannon, mapanganib na maneuvers, at banggaan ang mga barko ng Tsina. Sa kabila nito, nanindigan ang ating tropa at ang coast guard na ipagtanggol ang atin.

Ang lahat ng ito ay repleksiyon ng ipinapakita sa Food Delivery. Hindi lang tapang ng ating mga mangingisda at sundalo ang makikita, kundi ang sakit at pangungulila ng kanilang pamilya. Mga ina at anak na naghihintay, nagdarasal, at umaasa. Ipinapakita nito na ang isyu ng West Philippine Sea ay hindi lang mapa at politika, kundi mga totoong tao na nawawalan ng kabuhayan at dangal.

Binigyang-diin ni Secretary Teodoro na ang mga tsismis tungkol sa ‘gentleman’s agreement’ ay walang katotohanan. Wala at hindi kailanman magkakaroon ng kasunduan na isusuko natin ang ating karapatan. Ang mga ganitong usapan ay pawang propaganda lamang ng Tsina para manlito at pahinain ang ating paninindigan.

Ngunit lampas sa batas at ruling, ipinaalala ni Goitia ang mas masakit na katotohanan. “Isipin ninyo ang isang ama na walang maiuwi dahil pinalayas siya ng banyagang barko sa dagat na kanya naman, alinsunod sa batas. Isipin ninyo ang isang batang nagtatanong kung bakit hindi na makapangisda ang kanyang tatay. Isipin ninyo ang pamilyang nagugutom hindi dahil walang pagkain, kundi dahil may kapitbahay na makapangyarihan na kinuha ang hindi kanila. Iyan ang mukha ng labang ito. At iyan ang pinapakita ng pelikulang ito.

“Kaya’t mahalaga ang Food Delivery. Dahil binibigyan nito ng boses ang mga kadalasang pinatatahimik. Ginagawa nitong mukha at kuwento ang mga estadistika.

“Ang ating mga mangingisda ay hindi numero lamang. Sila ay ating kapatid, kaibigan, at kapitbahay. Ang sakit nila ay sakit natin. Ang laban nila ay laban natin,” giit ni Goitia.

“Alam ng Tsina ang kapangyarihan ng katotohanan, kaya’t ginagawa nila ang lahat para itago ito. Pero ang dokumentaryong ito ay sumisira sa pader ng kasinungalingan. Ipinapakita nito sa buong mundo ang ating realidad.”

Nanawagan si Goitia sa bawat Filipino na ituring ang pelikulang ito hindi bilang aliwan, kundi bilang paninindigan.

“Kapag pinanood ninyo ang dokumentaryong ito, hindi lang kayo nanonood. Kayo ay kumakampi sa ating bayan. Kayo ay nagtatanggol ng ating soberanya. Kayo ay nagsasabing: ang Filipinas ay hindi ipinagbibili, at ang ating karagatan ay hindi puwedeng angkinin.”

Sa huli, malinaw ang mensahe ni Goitia: “Ito ay higit pa sa pelikula. Ito ay sigaw para sa dignidad. Ito ay laban para sa katarungan. Ito ay katotohanan ng isang maliit na bansa na humaharap sa isang higante na nagkukunwaring kaibigan ngunit traydor pala. Maaring mas marami silang barko at armas, ngunit hawak natin ang katotohanan. At ang katotohanan, kailanman, ay hindi matatalo. Ang West Philippine Sea ay atin, at walang pananakot, walang kasinungalingan, at walang panlilinlang ang makapagbabago nito.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon: ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

Konektadong Pinoy Bill Act

Digital connectivity master plan mahalaga sa direksiyon ng Konektadong Pinoy Act — Cayetano

MAHALAGANG hakbang ang pag-aproba sa nationwide digital connectivity master plan upang magkaroon ng malinaw na …

Arrest Posas Handcuff

Sa Parañaque City
Japanese national sinaktan, hinoldap; suspek arestado sa loob ng 24 oras

NAHULI na ang suspek sa nag-viral na video ng panghoholdap at pananakit sa 62-anyos Japanese …

Las Piñas Cebu Sinulog April Aguilar

Stranded na Sinulog participants sa Cebu nakabalik nang ligtas at maayos sa Las Piñas

NAKABALIK na sa kani-kanilang tahanan ang mga kabataang Las Piñeros na na-stranded sa Cebu matapos …

DPWH

DPWH dapat preparado vs maangas na kontratista

KASUNOD  ng mga repormang ipinatupad para sa badyet ngayong taon, sinabihan ni Senate President Pro …

Senate FDA

Makupad magpakulong ng mga vendor at suppliers
FDA KINASTIGO SA SENADO 
Peke, ‘di rehistradong gamot, supplements kalat na kalat

KINASTIGO ng senado ang Food and Drugs Administration (FDA) dahil sa kabagalan nitong sumampol o …