
MAY napili nang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highway (DPWH) si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., matapos umugong ang plano ni Secretary Manuel Bonoan na magbitiw sa tungkulin sa lalong madaling panahon.
Ayon sa DPWH insider, si Undersecretary for Planning Services Maria Catalina Cabral ang posibleng italagang kalihim ng departamento dahil ito na rin mismo ang sinasabi niya sa mga pulong ng mga opisyal.
Katunayan, sinabi ng source na nag-apply na rin si Cabral bilang DPWH secretary noong magsumite ng courtesy resignation si Secretary Bonoan matapos hilingin ni Pangulong Marcos ang pagbibitiw ng mga cabinet members dahil sa naging resulta ng eleksiyon.
Bukod sa pagiging undersecretary ng for planning service, si Cabral din ang may hawak ng Public Private Partnership at Information Management Service.
Sinabi pa ng source na si Cabral din ang pinagkakatiwaan ni Bonoan kaya halos lahat ng sensitibong posisyon sa departamento ay ibinigay na nito sa opisyal.
“Si Cabral na rin ang irerekomenda ni Secretary Bonoan kay Pangulong Marcos na makapalit niya dahil iyong IMS, bigla lang ibinigay ‘yun kay Cathy nang wala sa plano. Duda nga namin, iyong mga detalye na ibinigay para sa presscon ni PBBM ay kulang at mukhang sinala,” dagdag ng source.
Gayonman, naniniwala ang source na may kapasidad si Cabral na maging DPWH secretary dahil mahaba na rin ang naging karanasan nito sa public works.
Naniniwala ang source na posibleng alisin ni Cabral ang lahat ng incumbent undersecretaries dahil nasangkot sa mga maeskandalong proyekto kapag naupo na bilang kalihim. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com