MARIING inihayag ng kampo ni Ginoong Charlie “Atong” Ang, malugod na tinanggap nito ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya, bilang pagkakataon upang maipagtanggol ang sarili laban sa mga paratang at espekulasyon sa tamang legal na proseso.
Ayon kay Atty. Gabriel L. Villareal, abogado ni Ginoong Ang, naninindigan ang kanyang kliyente sa kanyang pagiging inosente, at nagbabala hinggil sa testimonya ni Julie “Dondon” Patidongan na aniya’y puno ng butas, makasarili, at walang sapat na batayan.
Ipinahayag din ni Villareal ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at paghanga sa kanilang pagpupursige sa paghahanap ng katotohanan at katarungan.
Gayonman, hinimok niya ang publiko na pag-isipang mabuti ang biglaang paglutang ni Patidongan at ang panahon ng kanyang paglabas.
Ayon sa abogado, matagal nang bahagi ng organisasyon ni Ginoong Ang si Patidongan — mahigit 15 taon — at unti-unting nakaakyat sa mga sensitibong posisyon.
“Isa siyang bihasang manipulator na kayang alisin ang sinumang sa tingin niya’y banta sa kanyang impluwensiya at paglapit kay Ginoong Ang.”
“Dahil sa kanyang puwesto, ginamit niya ang mga koneksiyon at resources ng organisasyon — nang hindi alam ng kanyang mga pinuno— upang palawakin ang kanyang sariling ilegal na network, kabilang ang sugal, kidnapping, pangingikil, at pananakot,” ayon pa kay Atty. Villareal.
Aniya, nang masangkot sa pagkawala ng isang kakompetensiya sa sabong sa Maynila noong nakaraang taon, pilit ngayong ibinabaling ni Patidongan ang sisi sa kanyang mga dating superior upang takasan ang pananagutan.
“Masaklap na ang publiko ay nalilinlang ng isang lobo na nagkukubli sa anyo ng tupa. Ginagamit niya ang simpatiya ng mga biktima para ikubli ang kanyang sariling krimen,” ani Villareal.
“Ang kanyang kuwento ay imbento. Dapat siyang mabunyag, at malapit na itong mangyari.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com