NASAGIP ang isang babaeng sinaksak at sinuntok sa mukha ng kaniyang live-in partner, ng mga nagpapatrolyang pulis sa Brgy. Tumana, lungsod ng Marikina, nitong Lunes, 14 Hulyo.
Ayon sa mga awtoridad, naganap ang insidente dakong 12:30 ng hatinggabi kamakalawa sa bahay ng biktima at ng suspek.
Dahil sa selos at galit, sinaksak umano ng suspek ang biktima sa kaniyang kanang braso gamit ang isang kutsilyo saka hinabol sa labas ng bahay kung saan niya paulit-ulit na sinuntok sa mukha ang kinakasama.
Nagawang makatakas ng biktima mula sa suspek at namataan ng mga nagpapatrolyang pulis at mga opisyal ng barangay.
Nang makita ang kaniyang kalunos-lunos na kalagayan, agad nilapitan ng mga awtoridad ang biktima.
Nang mabatid na ang kaniyang kinakasama ang umatake sa biktima, agad tinunton at inaresto ng mga awtoridad ang suspek.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina CPS Custodial Facility at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com