DINAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos pagnakawan at gahasain ang isang 22-anyos babaeng massage therapist sa loob ng isang condominium unit sa lungsod ng Pasig, nitong Biyernes, 11 Hulyo.
Naaresto ang suspek na kinilalang si alyas Dex sa follow-up operation na isinagawa ng mga tauhan ng Pasig CPS at Rosario Police Sub-Station 7 matapos magsampa ng reklamo ang biktima laban sa kaniya.
Ayon sa biktima, nagpa-book ang suspek para sa home service massage sa inuupahang condo unit sa Brgy. Maybunga, sa nabanggit na lungsod.
Pagdating ng biktima sa unit, napansin niya ang piraso ng aluminum foil malapit sa pinto na pinaghinalaan na niyang drug paraphernalia.
Sa kabila ng pagkabahala dahil sa nakita, itinuloy pa rin niya ang pagmamasahe sa suspek.
Aniya, kahina-hinala ang kilos ng suspek na tila balisa at tingin nang tingin sa bintana.
Dagdag ng biktima, ginahasa siya matapos mawalan ng malay dahil sa inuming ibinigay sa kaniya ng suspek.
Sa kaniyang salaysay, sinabi niyang nagising siyang hubo’t hubad, nakakalat na ang kaniyang mga gamit sa silid at nawawala na ang kaniyang cellphone, pati ang pitakang naglalaman ng kaniyang mga ID at pera.
Sa tulong ng may-ari ng unit, agad nilang iniulat sa mga awtoridad ang insidente na nagbunsod sa pagsasagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas Dex at sa isa pang suspek na kinilalang si alyas Nani.
Nasamsam ng pulisya mula sa mga suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 12 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P81,600; at cellphone ng biktima
Sa imbestigasyon, naging modus na ng suspek na mambiktima ng mga massage therapists sa pamamagitan ng pag-book sa kanila gamit ang mga pekeng pangalan at mga pekeng ID.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Women and Children’s Protection Desk (WCPD) sa naunang nagreklamo laban sa suspek.
Nabatid na nauna nang nadakip si alyas Nani noong 9 Setyember 2021 dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasalukuyang nakapiit ang dalawang suspek sa Pasig Custodial Facility at haharap sa patong-patong na mga kaso kabilang ang rape, illegal drug possession, at robbery.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com