PINALAWAK ni Education Secretary Sonny Angara ang Gulayan sa Paaralan Program (GPP) na naglalayong mapagbuti ang tamang nutrisyon sa mga mag-aaral sa buong bansa, batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na matiyak ang tamang nutrisyon sa mga mag aaral at magkaroon ng dagdag kaalaman ang mga mag-aaral sa kalusugan at masustansiyang pagkain.
Ayon kay Sec. Angara, malaking bahagi ang ginagampanan ng GPP sa pagpapatatag ng taunang School-Based Feeding Program (SBFP) sa pamamagitan ng mga sariwang gulay na tanim mismo sa paaralan.
Bukod sa nutrisyong hatid nito sa mga mag-aaral, pinalalalim din ng programa ang kaalaman ng mga bata tungkol sa kalusugan at masustansiyang pagkain na aabot sa 44,965 paaralan ngayong school year ang bahagi ng GPP. Tumaas ito ng 50.6 percent kompara sa taong 2022-2023.
Ayon sa ilang guro, ang programa ay naging daan para mas mapalakas ang pagtutulungan ng mga guro, magulang, at lokal na sektor sa pagtatayo at pagpapanatili ng mga gulayan sa paaralan.
Sa tulong ng pondo mula sa local school resources at SBFP, nabibigyang-kakayahan ang mga paaralan na magtanim ng sariwa at organikong gulay na direktang naihahain sa mga pagkain ng mga bata.
Nagsisilbi rin ang mga gulayan bilang open-air classrooms kung saan natututo ang mga mag-aaral ng agrikultura, pangangalaga sa kalikasan, at pagiging sapat sa pagkain sa pamamagitan ng sariling sikap.
Ngayong 2025, tinatayang 94% ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang may aktibong garden interventions. Mula ₱10 milyon noong 2021, umabot na sa ₱20 milyon ang budget ng GPP noong 2024, at inaasahang tataas pa sa ₱21.8 milyon sa 2025—patunay ng patuloy na suporta ng kagawaran sa pagpapalawak ng programa. (VA)