KASADO ang 525 pulis ng Easter Police District (EPD) para sa balik-eskuwela na itinalaga sa mga lungsod ng Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan upang tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa pagbubukas ng klase ngayong Lunes, 16 Hunyo.
Ayon kay PBGen. Aden Lagradante, District Director ng EPD, lubos na nakatutok ang mga pulis sa seguridad ng lahat ng nasasakupang pampublikong paaralan at pagsasaayos ng trapiko kasabay ng paglalagay ng Police Assistance Desks para sa mabilis na pagtugon sa mga insidente.
Siniguro ni Lagradante na patuloy silang magtatalaga ng mga pulis sa mga paaralan, hindi lamang ngayong pasukan ng klase, kundi hanggang sa katapusan ng pasukan sa 2026 at sa susunod pa, upang matiyak na walang hindi kanais-nais na insidente ang magaganap sa nasasakupang paaralan ng Eastern area.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng hepe ng EPD ang publiko na manatiling mapagmatyag at i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang tanggapan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com