CAMP BGEN PACIANO RIZAL – TIMBOG ang isang matansero nang mahulihan ng P136,000 halaga ng hinihinalang ilegal na droga ng Calamba Police sa Barangay Tres, Calamba City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat kay Laguna Provincial Director P/Col. Ricardo I. Dalmacia, kinilala ang suspek na si alyas Leo, 46 anyos, matansero (butcher), residente sa Calamba City, Laguna.
Sinabi ng Calamba Component City Police Station chief of police (COP) P/Lt. Col. Victor M. Sobrepeña, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa isang ilegal na gawain na nagaganap sa nasabing lugar.
Bandang 10:15 ng gabi, 13 Mayo 2025, agad nagpadala ng covert PNP personnel ang Calamba CCPS upang magsagawa ng surveillance at beripakahin ang nasabing ulat.
Samantala, sa pagdating ng mga tauhan ng Calamba CCPS, agad nilang nakita ang nasabing indibiduwal na may kahina-hinalang ikinikilos at may hawak na isang bagay.
Dahil dito, agad na tinawag ng mga tauhan ng Calamba CCPS ang nasabing indibiduwal at sila ay nagpakilalang mga pulis, habang sila ay papalapit, agad tumakbo ang suspek ngunit nahabol din siya na nagresulta sa pagkakaaresto.
Isinailalim sa preventive search ang nasabing suspek at nakompiska sa kanya ang isang pirasong medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang Shabu na may timbang na aabot sa 20 gramo at may standard drug price na P136,000; isang cigarette pack (Marlboro White), isang paper bag, isang cellular phone, at P650 recovered money.
Naisagawa ang imbentaryo at markings ng mga kompiskadong ebidensiya sa lugar kung saan naaresto ang suspek na sinaksihan ng barangay elected officials sa nasabing lugar.
Ang naarestong suspek ay agad binasahan ng kanyang mga karapatan at kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CCPS habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Binabati natin ang pulisya ng Calamba CCPS sa kanilang agarang aksiyon sa kanilang natanggap na impormasyon patungkol sa kasong ito. Isa rin itong patunay na ang komunidad at mamamayan ay kaisa ng PNP sa pagsugpo sa ilegal na droga,” pahayag ni PD Dalmacia. (BOY PALATINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com