TINUPOK ng dalawang malaking sunog ang dalawang residential area sa Tondo at Port Area, sa lungsod ng Maynila, nitong Miyerkoles ng madaling araw, 23 Abril.
Unang naiulat ang sunog sa Brgy. 650, sa Port Area dakong 12:04 ng madaling araw.
Madaling lumakas ang apoy, dahilan upang agad itaas ng mga awtoridad sa una at ikalawang alarma.
Lumala ang sitwasyon na nagbunsod upang itaas ito sa ikaapat na alarma dakong 12:09 ng madaling araw.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), walang palatandaan na hihina ang apoy kaya itinaas pa sa ikalimang alarma ang sunog dakong 12:16 ng madaling araw.
Walong minuto pagkalipas, itinaas sa Task Force Alpha ang sunog dakong 12:24 ng madaling araw, kung saan nag-mobilize ng karagdagang mga truck at mga mga bombero upang tumulong apulahin ang apoy.
Naapula nang tuluyan ang sunog makalipas ang halos pitong oras dakong 6:59 ng umaga.
Samantala, habang pinapatay ang sunog sa Port Area, sumiklab ang isa pang sunog sa Moriones St., Road 10, Brgy. 123, sa Tondo, dakong 1:56 ng madaling araw.
Agad lumaki ang apoy na itinaas sa ikalawang alarma dakong 1:59 ng madaling araw, at sa ikatlong alarma dakong 2:00 ng madaling araw, apat na minuto mula nang magsimula ito.
Itinaas ito sa ikaapat na alarma dakong 2:11 ng madaling alarma, at sa ikalimang alarma dakong 2:23 ng madaling araw.
Dakong 3:01 ng madaling araw, kumalat ang apoy at tuluyang itinaas ng mga awtoridad sa Task Force Alpha.
Ayon sa BFP, patuloy na nagiging kritikal ang sitwasyon kaya itinaas ito sa Task Force Bravo dakong 3:18 ng madaling araw, hanggang Task Force Charlie dakong 3:32 ng madaling araw.
Dahil dalawang residential areas ang nasunog, nagbunsod ito sa malawakang paglilikas ng mga residente at pagmo-mobilize ng mga emergency units upang tumulong sa mga apektadong residente.