NAKAKUHA ng malakas na suporta ang TRABAHO Partylist mula sa partidong pinangungunahan ni Dipolog City Mayor Dexter Uy.
Si Uy ay kasalukuyang tumatakbong gobernador na may platapormang palakasin ang lokal na programang pangkabuhayan, turismo at pangkalusugan sa Zamboanga del Norte.
Sa kanilang ginanap na Kuyog Ta! Grand Proclamation Rally ngayong buwan ng Abril, itinaas nila ang mga kamay ni TRABAHO nominee Ninai Chavez. Ito ang bukod-tanging partylist na kasama sa proclamation rally at motorcade sortie ng Team Kuyog Ta at Team I Lab U.
“Napakainit po talaga ng pagtanggap n’yo sa amin kaya po kanina no’ng nagmo-motorcade po kami. Talagang hindi ko mapigilan ngumiti kasi kayo po mismo no’ng sinasalubong n’yo kami, nakangiti kayo sa amin. Kaya maraming, maraming salamat po!” pagpapasalamat ni Chavez sa mga taga-Zamboanga del Norte.
Para sa kanilang adbokasiya para sa mga manggagawa at kanilang pamilya, ibinahagi ni Chavez na nais nilang wakasan ang isang kahig, isang tukang pamumuhay ng mga Filipino.
“Gusto naming makapag-ipon kayo. Pag-uwi n’yo sa bahay hindi na kayo mamomoblema kung saan ninyo kukunin ang pang-emergency ninyo. Kaya sana po inyong suportahan ang 106 TRABAHO Partylist,” pahayag ng nominee.
Kamakailan ay nagbahagi rin si Uy sa kanyang Facebook page ng video kung saan may mga aerial view ng libo-libong taong dumagsa para sa Kuyog Ta. “Daghang salamat sa tanang katawhan sa Zamboanga del Norte sa inyong mainitong suporta ug aktibong pag-apil. Kamo ang inspirasyon sa among padayon nga paningkamot para sa tinuod nga kausaban ug maayong panggobyerno,” isinulat ng Dipolog mayor.
Hindi ito ang unang beses na naramdaman ang TRABAHO partylist sa Zamboanga del Norte dahil lubos na inikot at inaral ng grupo ang estado ng mga industriya sa rehiyon tulad ng industriya ng sardinas sa Dipolog.
Suportado rin ng TRABAHO ang mga marine conservation effort sa rehiyon kung kaya’t nakasama ng Dipolog LGU at City Environment and Natural Resources Office si first nominee Atty. Johanne Bautista sa pagpapakawala ng 99 Olive Ridley Sea turtle hatchlings pabalik sa tabing-dagat ng Dipolog City Boulevard noong nakaraang buwan.