
TAON-TAON, tuwing 22 Abril, ginugunita natin ang Earth Day — isang pandaigdigang kilusan para sa pangangalaga ng kalikasan at pagharap sa lumalalang krisis sa klima. Ngunit sa taong ito, dala ng temang “Our Power, Our Planet”, mas pinalalim ang mensahe: hindi sapat ang kaalaman; panahon na para sa kongkretong pagkilos.
“Our Power, Our Planet” panawagan ng panahon
Ang tema ng 2025 ay direktang tumutukoy sa kapangyarihang taglay natin bilang mga mamamayan upang baguhin ang takbo ng hinaharap. Binibigyang-diin nito ang pangangailangang lumipat sa malinis at nababagong enerhiya, at wakasan ang pag-asa sa fossil fuels na pangunahing sanhi ng global warming.
Ayon sa EARTHDAY.ORG, ang layunin ngayong taon ay hindi lang ang pagpapalaganap ng kamalayan kundi ang pagbibigay daan sa mga aktuwal na solusyon — mula sa grassroots movement hanggang sa malalaking negosyo at gobyerno.
Kalikasan at Negosyo: Posible ang Pagkakaisa
Habang maraming nag-aakala na ang mga korporasyon ay laging kalaban ng kalikasan, may ilang patuloy na nagpapatunay na puwedeng magsanib ang pag-unlad at pangangalaga sa kapaligiran.
Isa na rito ang International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI), isang kompanyang Filipino na nagpapatakbo ng mga port terminal sa buong mundo. Nitong mga nakaraang taon, ipinamalas ng ICTSI ang pangakong maging net zero sa greenhouse gas emissions pagsapit ng 2050, at patuloy na gumagawa ng mga hakbang para maisakatuparan ito.
Hindi ito simpleng pangako. Sa kanilang mga operasyon, binibigyang-priyoridad ang renewable energy, pamamahala ng basura, at pagbawas ng carbon emissions. Higit pa rito, kinikilala nila ang mga empleyado at yunit na may natatanging ambag sa kalikasan sa pamamagitan ng Edify Awards.
Sa Bawat Filipino, May Papel
Ngunit hindi lang malalaking kompanya ang may responsibilidad. Sa bawat bahay, paaralan, at pamahalaang lokal, may puwang para sa pagkilos. Mula sa pagtatanim ng mga puno, maayos na paghihiwalay ng basura, hanggang sa pagtipid sa enerhiya—bawat maliit na hakbang ay may epekto.
Ngayong Earth Day 2025, panawagan ito sa bawat Filipino: gamitin natin ang ating kapangyarihan. Sa harap ng krisis pangklima, hindi sapat ang pag-like o pag-share sa social media. Ang tunay na pagmamalasakit sa kalikasan ay nasusukat sa gawa, hindi sa salita.
Isang Mundo. Isang Pananagutan.
Ang Earth Day ay higit pa sa isang selebrasyon—ito ay paalala. Paalala na may responsibilidad tayong protektahan ang mundong humuhubog sa ating mga buhay. At sa panahong kritikal na ang estado ng ating kalikasan, hindi na natin kayang ipagpaliban ang pagkilos.
Ang ating planeta ay hindi maaaring palitan. Ngayong Earth Day, piliin nating maging bahagi ng solusyon.