TINUPOK ng malaking sunog ang isang pabrikang matatagpuan sa T. Santiago St., Brgy. Veinte Reales, sa lungsod ng Valenzuela, na nagsimula nitong Biyernes Santo, 18 Abril, at tuluyang naapula nitong Sabado de Gloria, 19 Abril.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 5:25 ng hapon noong Biyernes, na mabilis na itinaas sa ikalawang alarma dakong 5:37 ng hapon, at ikatlong alarma dakong 5:42 ng hapon.
Itinaas ng BFP ang sunog sa ikaapat na alarma dakong 6:45 ng gabi hanggang sa ikalimang alarma dakong 7:21 ng gabi.
Kamakalawa ng umaga, kinompirma ng Public Information Office (PIO) ng Valenzuela na itinaas hanggang Task Force Alpha ang sunog na patuloy na inapula ng mga bombero hanggang 7:00 ng umaga.
Samantala, ginawang pansamantalang evacuation center ang Paltok Elementary School para sa mga residenteng nagnanais lumikas.
Upang masuportahan ang pag-apula ng sunog, nagpadala rin ang lokal na pamahalaan ng mga heavy equipment, kabilang ang mga backhoe.
Walang naiulat na nasaktan o binawian ng buhay sa insidente ng malaking sunog.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog.
Base sa kanilang website, ang Flexo Manufacturing Corporation, itinatag noong 1955, ay nangunguna sa industriya ng flexible packaging solutions sa bansa. Karamihan sa kanilang mga kliyente ay nasa sektor ng personal care, home care, food and beverage, infant and adult powdered milk, industrial, and Pharmaceuticals.