SA KULUNGAN bumagsak ng isang manyakis na may kinahaharap na kasong statutory rape matapos malambat ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Navotas City.
Bilang kautusan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes na hulihun ang mga akusado na kabilang sa listahan ng ‘top 10 most wanted persons’ ay agad na ipinag-utos ang paghuli sa 28-anyos helper na sinamapahan ng nasabing kaso.
Batay sa report, naispatan ang akusado sa Brgy. NBBS, Dagat-Dagatan, kaya naman agad ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section at Police Sub-Station 4 ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado bandang 5:45 ng hapon, kamakalawa, sa Maya-maya St.
Binitbit ng mga tauhan ng Navotas Police ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Navotas City Regional Trial Court Branch 9, FC noong 25 Marso 2025 para sa kasong Statutory Rape (2 counts) na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facilty Unit ng Navotas police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
Samantala, pinuri ni Northern Police District Director P/BGen. Josefino Ligan, ang Navotas Police sa kanilang matagumpay na operation. (VICK AQUINO)