LIBO-LIBONG Bicolano ang dumagsa sa kalsada upang tunghayan ang motorcade campaign ng FPJ Panday Bayanihan partylist nang baybayin nito ang bayan ng Mercedes, Daet, at Labo sa Camarines Norte.
Lulan sa nauunang convoy van sina Brian Poe Llamanzares at Mark Lester Patron, kapwa nominado ng FPJ Panday Bayanihan partylist.
Nagtapos ang convoy sa open ground ng Our Lady of Lourdes College Foundation, Daet.
Isinagawa roon ang grand rally at nagtalumpati ang mga kandidato kasunod ang musikal na konsiyerto na nagtanghal ang JRoa Band, Because, at Rock Steady.
Tinatayang 12,000 katao ang dumalo at nakisaya sa kampanyang politikal at konsiyerto. Pagdaka’y dumating si Senator Grace Poe at nakilahok sa pagdaraos ng grand rally sa naturang pamantasan.
Taos-pusong pinasalamatan ni Brian Poe, unang nominado ng partylist, ang mga Daeteño sa mainit na pagsalubong at suporta.
Binigyang pugay niya ang ipinadamang pagpapahalaga ng mga residente ng bawat komunidad na dinaanan ng kanilang motorcade.
“Masigla ang mga Bicolano at hindi nila inalintana ang init ng araw para sumalubong at kilalanin ang presensiya ng FPJ Panday Bayanihan Partylist sa Camarines Norte,” saad ni Brian Poe.
Pinasalamatan ni Sen. Grace Poe si Governor Ricarte “Dong” Robledo Padilla ng Camarines Norte at mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa ipinakita nilang suporta at pagtulong sa pangangasiwa at sa seguridad para sa motorcade at grand rally.
Ipinanawagan ng Senadora ang pagkakaisa ng mga Filipino, binigyan diin na sa bawat mahahalal na opisyal ay may tungkulin na pagsilbihan ang mga tao, anuman ang kanilang mga kaugnayan sa politika.
Aniya, kahit anong partido na kinaaaniban natin, mungkahi na isantabi natin ang political color maging dilaw, asul, pula, o rosas, bagkus tayo’y magkaisa dahil tungkulin natin na paglingkuran ang sambayan para sa ibayong kaunlaran ng bansa, payo ni Sen. Grace Poe.