IPINAAABOT ng TRABAHO Partylist (TRABAHO) ang kanilang mungkahing mapagaan ang pasanin ng mga pasahero —- lalo ang mga manggagawang araw-araw umaasa sa pampublikong transportasyon.
Ito ay kasunod ng anunsiyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ukol sa pagsisimula ng malawakang rehabilitasyon at pagpapabuti sa kahabaan ng EDSA highway sa katapusan ng Marso 2025.
Ang nasabing rehabilitasyon na aabutin nang higit sa isang taon upang makompleto ay inaasahang magdudulot nang mas matagal na oras ng biyahe na makaaabala sa milyon-milyong manggagawa.
Ayon kay Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO, hinihikayat nila ang mga kompanya na pag-isipan ang pagpapalawak ng mga flexible work arrangements, tulad ng remote work o hybrid na setup.
“Dapat tulungan ng mga employer ang kanilang mga manggagawa na mag-adopt ng mga alternatibong estruktura sa trabaho upang mabawasan ang pangangailangan ng araw-araw na pag-commute,” ani Atty. Espiritu.
Bukod sa pagsusulong ng flexible work arrangement, nanawagan din si Atty. Espiritu para sa mas mataas na transportation allowances at subsidies para sa mga manggagawang kailangang mag-commute nang regular.
“Marami sa mga manggagawa ang malaki na ang ginugugol sa kanilang pasahe. Dahil sa mga abalang dulot ng EDSA rehab project, napakahalaga na magbigay ang pamahalaan at mga negosyo ng transportation allowances upang matulungan ang mga manggagawa sa dagdag na gastusin,” pahayag ni Atty. Espiritu.
Pinaalalahanan ni Atty. Espiritu na ang pagtaas ng oras ng biyahe at stress dulot ng araw-araw na pag-commute ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa pisikal at mental na kalusugan ng mga manggagawa, kaya’t inirerekomenda niyang magpokus sa mga angkop na polisiyang pabor sa mga manggagawa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com