CALAMBA — Kamakailan maraming residente sa Lungsod ng Calamba ang nabahala matapos ang inilunsad na operasyon ng mga awtoridad na ikinaaresto ng tatlong Chinese national dahil sa paglabag sa Immigration law.
Isang telecommunications contractor sa Calamba ang sinalakay ng pinagsanib na mga operatiba mula sa Bureau of Immigration (BI), PNP – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), Department of Justice – Office of Cybercrime, at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nagpatupad ng mission order laban sa mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho sa nasabing kompanya.
“Wala silang valid visa at work permit. Sila ay kinuha o inaresto dahil sa mga paglabag sa kanilang kondisyon ng pananatili sa bansa,” ayon kay PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz.
Sinabi ng mga residente, hindi maglalakas-loob ang mga patagong POGO operations kung walang basbas o pahintulot ng nakatataas sa lugar.
Dagdag ng mga residente, “dapat alam ni Mayor Rizal ‘yan at bigyan ng aksiyon dito sa Calamba, Laguna.”
Anila, kalat ang balita na may sugalan sa loob mismo ng bakuran ng munisipyo at malayang nakapagsusugal ang mga tauhan ni mayor.
Sa kabila nito, paulit-ulit umanong itinatanggi ito ng alkalde.
Nais ng mga residente na magpaliwanag si Mayor Rizal kaugnay ng usap-usapan na imposibleng hindi alam ng alkalde ang mga nangyayari sa kanyang nasasakupan.
Ayon sa mga residente, si Mayor Ross Rizal ay binansagang “The Alice Guo of the Province of Laguna” na anila’y “tila nagsisilbing anay sa apelyidong dinadakila ng bansa.”
Ipinangangamba din ng mga residente ang naganap na karumal-dumal na pagpaslang kay Konsehal Daniel Borja.
Nangyari umano ang insidente ng pamamaslang nang maglabasan ang kuwestiyonableng P409 milyong budget ng pamaskong handog.
Nanatiling tikom ang bibig ng tanggapan ni Mayor Rizal kaugnay ng mga nasabing isyu. (BOY PALATINO)